Tila maaksiyong pelikula kung isalarawan ng mga mamamayan ang naganap na pagtugis ng mga otoridad sa isa sa mga suspek na napag-alamang miyembro ng PNP sa ikinasang drug buybust operation pasado alas dose ng tanghali kahapon.
Ilang minuto rin ang lumipas bago tuluyang na-corner ang suspek na kinilalang si Police Master Sergeant Philip Abejo Pablico, 40 anyos at kasalukuyang nakadestino sa Agutaya Municipal Police Station (MPS) sa bahagi ng Brgy. San Manuel lulan ng minamaneho nitong kulay itim na Ford Everest at walang plaka.
Ayon kay City PNP Director P/Col. Marion Balonglong, bandang 12:10 ng tanghali nang ikasa ng pinagsanib na pwersa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang buybust operation sa Brgy. Bagong Sikat na kung saan nahuli ang sibilyang suspek na si Arnel Albarate at doon na umano nagsimula ang habulan.
“Nung makita ni Pablico na nahuli na si Albarate, at [saka] alam din ng operatiba na si Albarate ay mayroon siyang kasama, eh nung huhulihin na si Pablico ay nagtangkang tumakas kaya nagkaroon ng hot pursuit operation….Nagkaroon po ng habulan hanggang humantong po sila sa [Brgy.] San Manuel….,” ani Police Colonel Balonglong.
Marami rin ang nabigla sa naganap dahil sa humantong ito hindi lamang sa habulan kundi sa palitan ng putok sa magkabilang panig. Umiwas naman umano sa national highway si Pablico at dumaan sa mga alternate road ng siyudad.
“Hindi ko masabi kung anong exact time [natapos ang habulan] pero nung hindi na makatakbo ang sasakyan niya [Pablico] dahil sabog na ‘yung mga gulong [ng kotse] sa harapan, kaya bumaba siya, nag-akmang tumakas hanggang mahuli siya roon sa carwash,” dagdag pa ng hepe ng PPCPO.
Ayon pa kay Police Col. Balonglong, sa kabutihang-palad ay wala namang nasaktan o natamaan ng bala ng baril sa panig ng PPCPO na nagsagawa ng operasyon at hot pursuit operation habang si Pablico ay mayroong sugat. Agad ipinag-utos ni Balonglong na dalhin sa pagamutan ang suspek, bagama’t sa ngayon ay hindi pa niya masabi kung iyon ba ay tama ng baril o hindi.
Maliban naman sa nabanggit na dalawang suspek, kasama ring dinampot ng mga otoridad ang mag-asawang sina Simplicio at Gina Yayen na may-ari ng carwash matapos harangan ang mga pulis na umaresto kay P/MSgt. Pablico.
“Bale, itong mag-asawang Yayen kasi ay nagpumilit na mag-establish ng human barricade para mahadlangan ‘yung hot pursuit operation….Nahuli rin po sila after the arrest of Pablico,” ani PCol. Balonglong.
Kapansin-pansin ding may ilang mga tama ng bala ng baril ang katawan ng sasakyan at napag-alamang pagmamay-ari umano ng nagngangalang Myrna Pablico na kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng PPCPO.
Sa paghahalughog ng pulisya sa pangunguna ni City PNP Director Balonglong ay nakuha rin mula sa sasakyan ang isang commando infant M16 rifle at isang caliber 45 Remington pistol.
“As of now din po, wala pa rin ‘yung result ng verification namin kung kanino ‘yung mga baril na na-recover dahil wala pa po ‘yung resulta ng request natin for firearms….Inuuna namin ‘yung filing of cases against the suspects para po ma-file natin sa Prosecutor’s Office ngayon,” aniya.
Bunsod nito, mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa RA 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002,” RA 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act,” “Direct Assault Upon a Person in Authority,” at PD 1829 o ang “Obstruction of Justice” naman laban sa mag-asawa.
Irerekomenda naman umano ng City PNP na tanggalan ng lisensiya ang nabanggit na mag-asawang humadlang sa pag-aresto sa isang pulis na sangkot sa kaso.
“Makapapiyansa ang mga ito pero ire-recommend namin sa City Business Permit and Licensing Office to cancel their business permit para maisara na po ‘yung carwash dahil pangalawang beses na po ‘yan na nag-conduct ng operation ‘yung City Drug Enforcement Unit natin na ‘yung carwash na ‘yan ang tinatakbuhan nila (mga tinutugis na suspek),” ani Balonglong.
Dahil sa naganap, ani City PNP Director Balonglong, nagpaabot umano ng pagbati si PNP Mimaropa Regional Director PBGEN Nicerio D. Obaob sa mga miyembro ng operating teams at nag-atas sa kanila na gandahan ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang maihain nang maayos ang kaso, lalo na laban kay P/MSgt. Pablico.
“Sa atin pong mga kababayan sa Puerto Princesa, ‘yung nangyari po kahapon ay isang special case lang. mas marami pa pong pulis o mas maraming member ng PNP na gumagawa ng mabuti kaysa ‘yung mga tiwaling pulis na kagaya ni Pablico na mangilan-ngilan [lang] po ‘yan [sila]. At saka ‘yung Philippine National Police, lalong-lalo na ‘yung Puerto Princesa City Police Office, we’ll conducting operations against them without giving them favor,” giit naman niya.
Discussion about this post