Nakatakdang isailalim sa swab test ang pitong jail guards ng Bureau of Jail Management and Penology-Puerto Princesa City Jail (BJMP-PPCJ) ngayong linggo matapos na mag-escort kamakailan sa pina-swab test na 15 Persons Deprived with Liberty (PDL) kung saan dalawa ang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon sa tagapagsalita ng BJMP-PPCJ na si JO2 Marlito Anza, sa kasalukuyan, habang hinihintay ng nasabing jail guards ang iskedyul ay sumasailalim na sila sa self-quarantine.
“Nag-self quarantine na sila right after nang malaman [nila] na nag-positive ‘yong [dalawang] in-escort-an nila and then, pina-schedule na rin ‘yong kanilang swab test. Nasa City Health [Office] kasi ‘yong schedule kung kailan….,” ani JO2 Anza.
Pinawi rin ng opisyal ang agam-agam ng mga kaaanak ng lahat ng mga nakapiit ngayon sa kanilang pasilidad at tiniyak na wala silang dapat ipag-alaala sapagkat sinusunod ng City Jail ang lahat ng health measures upang maiwasan ang pagkahawa-hawa sa piitan.
Dagdag pa niya, simula nang magpatupad ng lockdown ang BJMP-PPCJ, maging sila ay naka-quarantine din sa likod ng City Jail. Hindi na rin umano sila pinauuwi sa kani-kanilang pamilya upang hindi na makadamay pa sakali mang magkaroon sila ng contact sa nasabing sakit at mahawa.
“…[M]onth of March ay naka-total lockdown na ang Puerto Princesa City Jail at kahit kami, habang nagdyu-duty kami, hindi na kami nakakauwi pa sa aming mga kapamilya; halos mag-aapat na buwan na kaming hindi nakauuwi,” ayon pa sa tagapasalita ng City Jail. “Kami ay nagsa-sacrifice din at dito na lang kami sa loob ng City Jail kapag wala kaming duty.”
Standard operating procedure din aniya ng kanilang ahensiya na bago ihalo sa mga piitan ang mga kino-commit ng PNP, PDEA at ng NBI ay agad nilang dinadala sa isolation area na malayo sa karamihan at ini-schedule para sa Reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test.
“Kaya po nagkaroon na ganitong procedure at may nalaman po tayong may nag-positive dahil ‘yan po ay ilan sa mga security measures natin na BJMP para masigurado po natin na hindi makalusot ang COVID-19 sa loob at magkahawa-hawa po rito sa loob,” pagtitiyak pa ni JO2 Anza.
Agad na rin umanong nakapag-sanitize ang pamunuan sa buong compound ng BJMP, sa tulong ng City Health Office.
Aniya, simula nang magpatupad ang BJMP-PPCJ ng pinakamahigpit na quarantine, hanggang ngayon ay hindi pa rin pinapayagan ng pamunuan na magkaroon ng dalaw at makapasok ang anumang padala o paabot, maliban na lamang kung ito ay pera at gamot bilang pag-iingat pa rin laban sa nakahahawang sakit.
Samantala, ang nagpositibong dalawang PDL ay kasalukuyan pa ring nagpapagaling sa COVID Quarantine Facility ng siyudad sa Magarwak na binabantayan naman ng dalawa ring jail guards ng City Jail.
Discussion about this post