Mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng mga barangay na may sakop na sementeryo kaugnay sa pansamantalang pagsasara ng mga ito simula pa noong Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4, 2020.
Ayon kay Kapitan Alfredo Mondragon Jr., kapitan ng Barangay Maunlad, mayroon silang schedule ng pagbabantay katuwang ang PNP, ilang opisyal ng barangay, at mga volunteers sa Puerto Princesa City Public Cementery.
“Tumawag ako ng emergency meeting sa aking council. Tinitingnan ko yung area namin na mayroon kaming apat na pinto. Nagkaroon ng scheduling na 6am to 1pm, 1pm to 9pm, then 9pm to 6am,” ani Mondragon. “Mag-i-extend nga kami siguro. Talagang magsasakripisyo ang barangay para matupad ang health protocol na ipinapatupad ng ating local IATF,” pahayag ni Mondragon.
Dagdag pa ng kapitan, mahirap ang sitwasyon nila dahil may sementeryong binabantayan kasabay ng paglaban sa COVID-19 kung saan mahirap kontrolin ang tao lalo na kapag may ililibing dahil maaaring dagsain ito.
“Kapag libing, mahihirapan kami magpatupad ng social distancing lalo na’t may sementeryo kaming binabantayan. Ang sabi sa amin noong nag-orient kami, doon na lang sa area and then makiusap tayo na ipatupad natin ang social distancing,” saad pa ni Mondragon.
Discussion about this post