Handang-handa na ang mga tauhan ng Puerto Princesa City Police Office sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Ayon kay Lt Col Aristotle Castillo, Deputy Director for ng PPCPO, naka-full alert status na ang buong kapulisan sa Lungsod para matiyak ang katimikan at kapayapaan ngayong holiday season.
“All set na ang preparation natin, so may mga detailed na tayo[personnel], may mga in plan ginawa, in plan pakuhan’ yung simbang gabi so halos lahat naman ng tropa naka-deploy na, kung mapapansin nyo sa mga simbahan may mga pulis tayo diyan especially sa malalaking simbahan natin,” dagdag pa ni Castillo.
Pinalakas rin ang police visibility sa mga lugar na maraming tao at sa mga pampublikong lugar.
Nagpaalala rin si Castillo na huwag magpapakalasing ng husto para maiwasan ang vehicular accident at sa designated areas lamang magpaputok ng mga firecrackers.
“Sumunod lang po tayo sa pinag uutos ng batas and kami naman po ay ipapatupad lang kung ano ang sinasabi ng batas,” dagdag pa nito.
Tiwala naman ang opisyal na katulad noong 2018 ay magiging generally peaceful ang yuletide season ngayong taon.
Samantala, maliban sa pulisya, isandaang porsyentong nakahanda na rin ang Bureau of Fire and Protection-Puerto Princesa City (BFP-PPC).
Sinabi ni Fire Marshal CINSP. Nilo Caabay Jr, laging handa ang kaniyang 36 na mga bumbero kasama ang walong firetrucks na operational at isang substation para tugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.
“Lagi nating ini-encourage ang ating mga kababayan na huwag nang magpaputok manood na lang ng mga fireworks display na ipagkakaloob sa atin ng lokal na pamahalaan mas safe pa’yon para mas siguradong ligtas at magiging masaya ang ating pagsalubong ng Bagong Taon pero kung talagang hindi maiiwasang mgapaputok ay mag-ingat na lang,” saad pa ni Castillo.
Nagpaalala rin siya sa publiko na bumili lamang sa mga lisensyadong mga nagbebenta ng paputok na matatagpuan sa likod ng City Coliseum dahil kumpleto ang mga ito sa mga dokumento at dumaan sa kanilang mga pagsusuri.
Iginiit niya rin na mahalaga ang makatawag kaagad sa kanilang opisina kung sakaling mayroong nakitang sunog sa lugar, kapag hindi raw kasi naitawag sa kanila ay hindi nila ito marerespondihan maliban na lamang kung mismong siya o kaniyang mga tauhan ang nakakita.
Maaari umanong tumawag sa kanilang mga hotline numbers tulad ng 09257077710 kung Smart ang gagamitin habang 09778551600 kung Globe at 433-0012/434-2076/160 kung landline.
Samantala, ayon sa may-ari ng tindahan ng paputok na si Leo Maat, pinakamabentang paputok ay ang kwitis na P10.00 bawat isa.
Abot kaya rin daw ang presyo ng kanilang mga paputok na kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Pailaw-Tingting P2.00
- Happy ball-P70.00 per box 15pcs
- Whistle bomb-P10.00
- Roman candle-P150.00 per dozen
- Bawang-P8.00
- Five star-P120.00 per pack
- Superlolo Kweton Tri star-P70.00 per 100pcs
- Sinturon ni judas-P100-120.00
- Sawa P500.00-10,000.00 depende sa haba
Batay sa kanilang permit mula sa PNP-National Headquarters ipinagbabawal ang pagbebenta ng Piccolo Popop, at Goodbye Philippines.
Discussion about this post