PUERTO PRINCESA CITY — Tiniyak ng pamunuan ng National Food Authority (NFA) sa lalawigan ng Palawan na naaabot ng distribusyon ng murang bigas ng gobyerno ang mga komunidad ng mga katutubo.
Sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod noong Lunes, sinabi ni NFA Palawan Provincial Manager Ma. Lewina Tolentino na mayroon na silang mga nakatalagang ‘Bigasan sa Barangay’ sa mga natukoy na mayroong pamayanan ng mga katutubo.
“Dito sa Puerto Princesa, mayroon na tayong limang barangay na napaparatingan ng ating murang bigas (NFA rice) ito ‘yong mga lugar na may katutubo tulad ng Napsan, Bahile, Simpocan, Cabayugan at Tanabag,” tinuran ni Tolentino.
Ani ng opisyal, sa dalawang klase ng NFA rice na kanilang ipinamamahagi sa kanilang mga accredited outlet tulad ng “well-milled o imported rice” na nagkakahalaga ng P32 at regular na P27, ang pinakamura ang ipinadadala nila sa mga bigasan sa barangay upang mapagaan ang halaga nito para sa mga katutubo.
Sa plenaryo, hiningi ni Puerto Princesa City Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) Nestor Saavedra sa opisyal ng NFA ang katiyakang lahat ay makikinabang sa murang bigas ng pamahalaan.
Ayon kasi kay Saavedra, base sa kaniyang personal na obserbasyon at karanasan sa kanilang komunidad ng mga katutubong Batak, hindi lahat ng mga katutubong miyembro ay nakabibili ng suplay na bigas mula sa NFA dahil may mga pagkakataon aniyang ginagamit lang ang pangalan ng mga katutubo para makakuha ng bigas.
Hiniling din ng kinatawan ng mga katutubo sa lungsod na pamunuan ng NFA na mabigyan ng konsiderasyon na huwag nang limitahan ang dami ng ipamamahaging NFA rice lalo na sa mga sa bundok na naninirahan na bihirang bumaba sa kapatagan upang makabili ng bigas at iba pang pangangailangan.
Sa patakaran ng NFA, limang kilo sa bawat pamilya lamang ang maaaring mabiling bigas subalit ayon naman kay Tolentino kinakausap nila ang kanilang mga outlet na bigyang ng 10-15 kilos bawat pamilyang aakyat pa sa kabundukan.
Dagdag pa ni Tolentino, kanila din aniyang mahigpit na binabantayan kung nakabibili ba ng NFA rice ang mga katutubo sa lugar. Ang katiyakang ito ang hiningi ni Saavedra upang maging patas aniya para sa kaniyang nga nasasakupan ang programa ng gobyerno para sa murang bigas lalo pang sa kasalukuyang panahon ay lubhang mabigat ang presyo ng commercial rice. (AJA/PDN)
Discussion about this post