Matagumpay na nailunsad ng Puerto Princesa Police Office ang programang “Campaign Plan Clean Rider” noong Biyernes, Enero 18, 2019.
Kasama sa mga dumalo sa nasabing aktibidad ay sina PSUPT Virgilio R. Madronio, Deputy City Director for Operation, na nagbigay ng paunang mensahe at si PCINSP Arvin M. Peniones, Chief Operations and Plans Branch, na nanguna naman sa pagbabasa at pagpipirma ng “Pledge of Commitment.” Nagbigay naman ng mensahe sina PSSUPT. Marion D. Balonglong, Acting City Director ng Puerto Puerto Princesa City Police Office at PSSUPT Dionisio B. Bartolome, Acting Provincial Director.
Ayon kay Senior Insp. Pearl Manyll Lamban- Marzo, Public Information Officer ng Puerto Princesa City Police Office, Agosto pa nakaraang taon nang sinimulan ang programang ito kung saan ang pangunahing layunin nito ay upang mas mapaigting pa ang seguridad at kaligtasan ng bawat motorista sa kalsada.
Ang isang motoristang magpaparehistro sa programang ito ay kinakailangan lamang na magpasa ng mga papeles sa istasyon ng police upang mapabilang sa Clean Riders. Kasama sa mga papeles na ipapasa ay ang Official Receipt (OR), Certificate of Registration (CR), Deed of Sale kung ang motor ay hindi pa nakapangalan sa gumagamit, Driver’s License, at ang filled-up application form na nakukuha sa kanilang opisina.
Ang mga nasabing papeles ay sisiyasating mabuti kung ito ay tunay at walang naitayang paglabag sa batas. Maging ang motor ay dadaan din sa mabusising pagsisiyasat, kung ito ba ay may paglabag sa RA 4136 o “An Act To Compile the Laws Relative to Land Transportation and Traffic Rules, to Create a Land Transportation Commission and for other purposes.”
Matapos ang masusing pagsisiyasat ng motor at ng mga papeles nito, panghahawakan ito at itatala ng police bilang cleared sa data based system ng Campaign Riders at kaagad na bibigyan ang motorista ng Clean Rider Sticker.
Ang Clean Rider Sticker ay ilalagay sa harap ng motor na madaling makikita ng mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint. Ang serial number naman ng sticker ay ilalagay sa likod ng lisensya ng motoristang may-ari o gumagamit ng motor.
Sinabi ni Marzo na kapag ang motorista ay may gamit ng Clean Rider Sticker ay mas mabilis o maaaring hindi na ito dumaan sa matagal na pagsisiyasat sa mga checkpoints.
Dagdag pa niya, “hindi ibig sabihin na mayroon nang sticker ay hindi na sila ichi-check ang sabi lang natin ito ay medyo may convenient na sa kanila medyo mabilis at the same time may data base tayo kaya kapag yung motor mayroong insidente na involve yung motor, machicheck kung involve nga kayo o hindi, hindi na kayo magkakaroon ng abala, hindi na kayo mapapatagal kasi may proseso na na isinagawa,”
Dapat naman tandaan ng mga motorsiklong nakabitan na ng Clear Rider Stiicker na hindi pwedeng ilipat ang sticker na ito sa ibang motor gayundin ang serial number na ilalagay sa likod ng lisensya. Kapag nahuli naman ang isang motoristang gumagamit sa motor na may sticker at walang serial number sa lisensya, idadaan sa masusing pagsisiyasat ang drayber upang malaman kung legal na may-ari o ninakaw ang motor. At kung halimbawang nawala ang lisensya o natanggal ang sticker sa motor o lisensya ay kinakailangan na ipagbigay alam agad sa opisina ng pulisya upang magawaan ng agarang aksyon.
Samantala nagpasalamat naman si Merwin Conde, may-ari ng motor na nakabitan na ng Clear Rider Sticker, Aniya, “Sumali ako dito kasi nakita kong maganda itong naisip nilang program at alam kong malaki ang matutulong nito sa akin halimbawa nalang na manakaw ang aking motor, madali lang itong marerecover at isa pa parang nakapagbigay din ito ng confident bilang isang rider na alam nilang wala kang tinatago kaya mas mapapadali ang proseso sa lahat lalo na pag dating sa checkpoint.”
Hinikayat naman ni Balonglong ang lahat ng motorista hindi lang sa Lungsod ng Puerto Princesa maging sa buong Lalawigan ng Palawan na makiisa sa Campaign Plan Clean Rider.
Sa kanyang talumpati sinabi niya, “yung pagmimaintain kasi ng peace and order is hindi lang po responsibilidad ng law enforcement natin pero responsibilidad natin lahat ito, without your cooperation medyo mahihirapan po ang ating kapulisan sa pagpapanatili ng ating peace in order.”
Dagdag pa niya, “magcreate din siguro tayo ng Palawan or Puerto Princesa Alliance of Riders Against Crime para po magiging miyembro po kayo ng Force-Multipliers po ng Palawan PPO at saka PPCPO at Sana po hindi magtatapos sa pagkakabit ng ating mga stickers ang oplan clean rider na ito inaasahan po namin na tuloy-tuloy po ang inyong pagtulong at pagbigay ng impormasyon o pagsali sa pagmaintain ng ating peace and order not only in Puerto Princesa but in the whole province of Palawan.
500 stickers ang maaaring mabigay ng PPCPO ngayon at maari pa itong madagdagan depende sa bilang ng mga gustong sumali. Sa ngayon nasa 90 pa lamang ang nabibigyan ng Clean Rider Sticker.
Discussion about this post