Nilinaw ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa na hindi totoong inalis na ang mga PNP checkpoint sa city proper.
Sa press conference kaninang umaga, binanggit ni City Mayor Lucilo Bayron na nananatili ang mga checkpoint sa siyudad ngayong umiiral pa rin ang General Community Quarantine na pinalawig pa ng pamahalaang nasyunal simula bukas, Mayo 16 hanggang 31.
“Yung checkpoint sa loob ng siyudad, mananatili pero hindi sa permanenteng lugar kasi hindi lang nagagamit sa COVID-19 [issue], nagagamit din sa iba. Nang tinanong natin, ang dami nilang nakukuhang mga walang lisensiya, walang rehistro, walang helmet, [mga] nakainom. So, nakatutulong ‘yun sa enforcement ng mga batas sa lungsod ng Puerto Princesa….,” ayon sa Punong Lungsod na kinumpirma umano sa kanya ni City PNP Director Marion Balonglong.
Isa sa mga binanggit na dahilan ni Mayor Bayron sa ginagawang estratehiya ngayon ng mga alagad ng batas na paglilipat-lipat sa pwesto ng kanilang ng checkpoints ay dahil sa ilan umanong mga pasaway na nagtatago o umiiwas dito at dumadaan sa ibang ruta.
Kaya pakiusap ng Alkalde sa mga mamamayan ng lungsod na kusa nang sundin anuman ang ipinatutupad sa checkpoint at huwag nang magtatago-tago sa mga pulis dahil ang lahat naman umanong ito ay “hindi para sa ibang tao, kundi para sa atin at sa pamilya natin.”
Aniya, lahat man umano ng paraan ay ginagawa ng administrasyon ngunit may hangganan ito at kailangan nila ang tulong ng bawat isa at anuman ang tagumpay sa labang ito ay nakasalalay sa mga mamamayan.
Bilang bahagi naman ng ibayong pag-iingat at sa kaligtasan ng lahat, nananatili umano ang mga boarder checkpoint ng Puerto Princesa sa bahagi ng Aborlan sa southernpart, sa Bayan ng Roxas sa norte at sa Sitio Sabang sa Brgy. Cabayugan, sa westernpart ng lungsod.
Discussion about this post