Binisita kahapon ng Commission on Human Rights-Palawan Provincial Office ang mga na-displace na mga IP families sa Brgy. Concepcion bunsod ng kamakailang sagupaan ng militar at New People’s Army (NPA).
“Tiningnan natin kung ano ang kanilang kondisyon. Sabi naman nila, nasa maayos naman silang kondisyon, maliban sa kanilang request na [mabigyan sila ng mga] banig at kumot; ilalapit natin ito sa DSWD na bigyan sila ng banig at kumot,” ayon kay CHR-Palawan Officer in Charge Marilou Sebastian.
Matatandaang bumaba sa kapatagan ang mga IP na Batak at Tagbanua dahil sa takot na matamaan sila ng mga ligaw na bala nang magkaroon ng engkwentro sa hanay ng gobyerno at NPA.
Sa talaan ng CHR, ang mga naapektuhang pamilya ay binubuo ng 22 Batak at 5 Tagbanua. Apat naman sa kanila ay mga senior Citizen, walong PWDs at 38 ang mga menor-de-edad.
Sa hanay ng mga Batak, may isang pamilya umano na nasa Bayan ng Roxas na habang ang isa ay nasa City proper. Sa mga Tagbanua naman, nasa 30 pamilya ang nagpasyang magpaiwan sa kanilang komunidad.
Katuwang ang Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) ng Puerto Princesa City na si John Mart Salunday, sa pamamagitan ng personal capacity ng CHR-Palawan staff, at ni CHR-MIMAROPA Regional Director Dennis Mosquera ay namahagi ng canned goods, bigas, noodles, biscuits, candies at mga tsinelas ang grupo. Nagpalaro rin sila upang maaliw ang mga bata at ang mga senior citizen.
“Ang objective naman namin ng pagpapalaro ay para kahit papaano, maibsan din ang kanilang takot, makalimutan nila kahit pansamantala. Parang way of processing din sa kanila na naka-experience sila ng ganito for the first time in their life na kahit papaano nakatulong man lang, makalimutan nila ang kanilang pinagdaanan,” ani Sebastian.
Ayon umano sa tumatayong lider ng mga katutubo na si Martin Gopo, bandang 6 am noong Abril 9, habang sila ay natutulog pa ay nagulantang na lamang sila nang marinig ang malakas na putok kaya lahat silang gising ay naglabasan mula sa kanilang mga tahanan.
“Tapos nag-usap sila ng IPMR kung ano ‘yong nangyayari kasi sa tanang buhay nila, noon lang daw sila nakarinig ng ganoon kalakas na putok. Tapos hindi nga raw nila alam kung ano ang putok na ‘yon. Pagkatapos daw ng kalahating oras, nagdatingan na raw ang mga sundalo kaya natakot sila,” ang pagbabahagi pa ng pinuno ng CHR-PPO sa kuwento ng isa sa mga IPs.
“Yong mga sundalo, no’ng una, ayaw silang pababain dito kasi safe naman daw [sila roon]. Ang sabi ng mga sundalo sa kanila, poprotektahan naman daw sila. Ayaw nilang (IPs) pumayag—gusto talaga nilang bumaba kasi nga sabi nila ‘Sino ang nakakasiguro!? Kasi bala ‘yan,” dagdag pa niya.
Sa kabilang dako, nakatakda namang gumawa ng dalawa pang dagdag na kubo para sa mga apektadong IPs.
Sa ngayon ay nagpasya umano ang nasabing mga residente ng Brgy. Concepcion na mananatili sila sa Tribal Center hanggang sa masiguro nilang ligtas nang bumalik sa kanilang komunidad sa kabundukang bahagi ng kanilang barangay.
Discussion about this post