Ikinagalak ng mga mag-aaral at mga guro ang isinagawang City Government Infrastructure Exhibit sa Palawan National School (PNS) noong Hunyo 8.
Ito ang ikalimang lugar para sa nasabing exhibit. Nakaraan nang isagawa ang ganitong aktibidad sa SM City Puerto Princesa, Robinsons Place Palawan, Atrium ng New Green City Hall, at sa Learning Pod ng Balayong People’s Park.
Masaya naman nagpasalamat si Senior High School Assistant Principal Marcelino L. Porcal na naisagawa ang exhibit sa kanilang paaralan.
Sinabi niya na nagulat siya sa mga nakitang display at natuwa sa pagkakataon na malaman ang mga proyektong ginawa at kasalukuyang ginagawa ng administrasyon ni Mayor Lucilo R. Bayron.
Aniya, makakapagbigay ito ng karagdagang kaalaman sa mga estudyante ng PNS. Nagpapasalamat rin siya kay Mayor Bayron dahil isa ang PNS sa mga nabiyayaan ng Proyekto ng Pamahalaang Lungsod.
Si City Architect Honesto Teves ang nagrepresenta kay Mayor Bayron sa nasabing gawain. Sinabi niya na mahalaga na maipabatid sa mga kabataan ang mga proyektong kapakipakinabang na ipinatupad ng administrasyon ni Mayor Bayron. Dagdag pa niya na laging binabanggit ni ng alkalde sa mga pagpapasinaya ng mga proyekto na ang mga ito ay para sa mga mamamayan at investment para sa mga kabataan, na sila ang mas matagal na makikinabang sa mga proyekto at mga magiging lider ng lungsod sa hinaharap.
Ibinahagi nina Arch. Stephen G. Gadiano at Engr. Roldan C. Cubello ang pangkalahatang overview ng mga proyekto sa exhibit. Sinabi nila na ang mga proyektong naka-display ay mga pangarap at pangitain ni Mayor Bayron. Hinihikayat din nila ang mga estudyanteng may interes sa mga kurso ng engineering at arkitektura.
Samantala, ang exhibit sa PNS ay natapos noong ika-9 ng Hunyo. Kadalukuyan, ang kaparehong exhibit ay ginaganap sa Palawan State University (PSU) na nagsimula noong Miyerkules, Hunyo 14, at nakatakdang magtapos ngayong araw ng Biyernes, Hunyo 16.
Dagdag dito, ipapalabas rin ang naturang exhibit sa Hulyo 4-7 sa NCCC Mall Palawan Activity Center. Mayroon ding exhibit sa Irawan Bus & Jeepney Terminal ngunit hindi pa tiyak kung kailan ito isasagawa.
Discussion about this post