Tiniyak ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa na matatapos na sa susunod na linggo ang inihanda nilang COVID-19 facility na paglalagakan ng magpopositibong residente ng siyudad sa Coronavirus disease 2019 na mayroong slight symptoms.
Ito ang kinumpirma ni City Mayor Lucilo Bayron sa unang bahagi ng pulong-balitaan kaninang umaga sa New Green City Hall sa Brgy. Sta. Monica, kaalinsabay na rin ng pag-anunsiyo ng nilalaman ng ibinaba niyang executive order may kaugnayan sa extension ng General Community Quarantine (GCQ) sa lungsod at maging sa lalawigan hanggang katapusan ng Mayo, batay sa ibinabang IATF Resolution No. 35-A kahapon, May 14.
Ayon sa Punong Lungsod, matatagpuan ang nabanggit na pasilidad sa Magarwak malapit sa training center na ginagamit ng mga miyembro ng PNP at militar.
Ani Bayron, ito ay dalawang palapag na gusali kung saan ang unang palapag ay nasa 95 porsiyento nang tapos habang ang ikalawang palapag ay 90 porsiyento at inaasahang sa Lunes, Mayo 18 ay tuluyan na itong matatapos. Sa ngayon umano, ang kulang na lamang nito ay ang suplay ng kuryente.
Ang naturang COVID-19 facility umano ay mayroong 60-bed capacity.
Ipinaliwanag naman ng Alkalde na ang mga confirmed COVID-19 patient na mayroong moderate at severe na sintomas ay hiwalay na ilalagak sa mga ospital sa siyudad na pawang naka-assign na tumanggap ng mga pasyenteng may ganoong uri ng sakit.
Ani Bayron, sa ngayon umano, ang Ospital ng Palawan (ONP) ay mayroong dalawang ventilators at 10 isolation beds at hinihiling nila sa ngayon sa mga kongresista na sila na ang umapela sa Kagawaran ng Kalusugan na madagdagan ito ng 50 bed capacity.
Ang Palawan Adventist Hospital naman umano, sa kasalukuyan ay mayroong anim na isolation rooms para sa critical care, anim na ventilators, at walong respiratory isolation rooms habang ang Coop Hospital ay mayroong 10 expandable isolation rooms at apat na ventilators.
Kaugnay pa rin sa paghahanda laban sa nakahahawang sakit, inanunsiyo rin ng Punong Ehekutibo na may binuo na silang dalawang contact tracing team na naka-stand by at kapwa pinamumunuan ng mga doktor ng City Health Office na may mga miyembrong volunteer, nars, personnel ng Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.
Patuloy naman sa panawagan si Mayor Bayron sa mga mamamayan ng lungsod na makipagtulungan sa mga ipinatutupad na mga polisiya bilang pag-iingat kontra COVID-19. Aniya, hindi makakaya ng pamahalaan kung sila lamang ang kikilos at walang suporta ng publiko.
“Sa mga kababayan natin, nakakapanghina [man], walang kita, hirap na makagalaw, maraming mga protocol, pero ‘yun ay para sa kaligtasan ng bawat isa sa atin kaya talagang magtitiis muna tayo kasi nga, kung may gyera nga, nagtatago eh bakit ito gyera rin ito, hindi nga natin nakikita ang kalaban natin, di tayo magtatago? So, kailangan talaga na susundin natin ang mga protocol,” ayon kay Bayron.
Ayon pa sa Punong Lungsod, kakayanin ng Pamahalaang Lungsod dahil kakayanin din ito ng mga mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa. Aniya, ang nakatutuwa lamang umano ay nakalalamang ang siyudad at ang lalawigan pagdating sa laban sa COVID-19 dahil nakahiwalay ang Palawan sa ibang bahagi ng siyudad at probinsiya kaya hindi ito basta-basta mapapasukan ng problema.
“Kaya kung makakayanan nila, makakayanan natin dito sa buong lalawigan ng Palawan, lalo na sa mainland Palawan kasi makokontrol natin ‘yung sitwasyon dito,” dagdag pa niya.
Discussion about this post