Ipinaliwanag sa Palawan Daily News ni Puerto Princesa City COVID-19 Vaccination Council (PPC- COVAC) Chairman Dr. Ricardo B. Panganiban na posibleng uunahing bigyan ng vaccine ang mga frontliners sa lungsod, susundan ng mga nakatatanda at yung mga mahihina ang resistensya.
“Bago yun dumating, magpre-prepare na kami. Kasi pagdating nun hindi tayo pwedeng maghintay ng matagal bago natin ipamigay. Pagdumating pa yun ngayon baka mga 1 or 2 days tirahin na natin yun…. Sa unang phase kasi yung tatamaan diyan yung mga frontliners, military, yung uniformed personnel then yung mga senior citizen 60 years old and above. Then yung mga 18 to below 60 pero may mga underlying conditions na prone sila na mag-develop ng complications once na nagkaroon sila ng COVID…,” ani Dr. Panganiban.
Inamin din nito na may mga bakuna na silang pinagpipilian pero marami pang dapat pag-aralan kabilang ang pag-iimbakan at yung temperatura na kinakailan ng vaccine.
“Meron na po tayong pinagpipilian doon [sa mga vaccine]. Yung sa Astra[Zeneca] then yung isa pang tinitingnan natin yung sa Johnson & Johnson, yung Janssen, syempre hindi naman natin pwedeng i-exclude, kasi kailangan marami tayong pagpipilian, yung Sinopharm. Magkaiba kasi yung Sinopharm sa Sinovac. Then yung, meron pang isang binanggit si Dr. Posas yung ongoing pa rin yung clinical trial pero anytime na ma-approve yun pwede na tayong maka-access dun.”
Nilinaw rin ni Dr. Panganiban na hindi sapilitan ang pagbabakuna sa mga mamamayan sa lungsod habang sa mga frontliners ay nakadepende naman sa ilalabas na panuntunan ng Department of Health.
“Optional lang po yan. Hindi po natin sila mapipilit pero ang tinitingnan po kasi natin diyan pagka-once na ayaw mo, pumirma ka ng waiver. Binigyan ka namin ng pagkakataon na mabakunahan kaya lang ayaw mo. Pumirma ka kung ayaw mo para may pinanghahawakan,” pahayag pa nito.
Siniguro naman ng PPC- COVAC Chairman na dumaan sa proseso ang gagawing pagpili at pagbili ng COVID-19 vaccine.
“Makabili tayo ng sarili nating bakuna pero syempre yung guidelines manggagaling pa rin sa DOH. Hindi man pwedeng mag [gawa] ng sarili nating guidelines. [At] kung sakaling magkaroon man tayo at handa na po ipamigay syempre ito po ay titiyakin naman natin na ito po ay safe at pinag-aralan,”pahayag ni Dr. Panganiban.
Samantala, noong Byernes January 8 sa ipinasang resulosyon ng City Council ay binigyan ng kapangyarihan si Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron na pumasok at pumirma sa isang Memorandum of Agreement na may kaugnayan sa pagbili ng COVID-19 vaccine.
Discussion about this post