Sa kabila ng hagupit ng Bagyong Odette na tumama sa Puerto Princesa, naging matiwasay ang pagsalubong ng pasko ng mga mamamayan, subalit tumaas naman ang mga pangunahing bilihin sa mga palengke sa lungsod.
Apektado ang mga nagtitinda sa palengke dahil sa pagtaas ng presyo at matumal ang bumibili, katulad na lamang ng mga basic goods, mga gulay, sibuyas, bawang at maging ang karne.
Ayon Kay Anna, tindera sa Old Public Market, “Tumaas ang mga kamatis ngayon. Dati P100, ngayon P120, kasi walang eroplano nitong nakaraang mga araw gawa ng bagyo po, at matumal din po ang bentahan simula po kahapon at ngayon po. Kung ikumpara noon, ngayon po [ay] apektado kami.”
Kaugnay niyan ay umaasa naman ang mga ilang vendors ngayong darating na bagong taon na dadagsain ang palengke ng mga namimili.
Nitong 23 ng Disyember lamang ay nagpalabas ng direktiba ang Provincial Government ng Palawan sa pagpatupad ng Price Freeze sa buong lalawigan sa kadahilanang nasa State of Calamity ang probinsya.
Ayon din ito sa R.A. 7581 o The Price Act, Section 5 (Illegal Acts of Price Manipulation) at Section 6 (Automatic Price Control).
Samantala, nag-ikot ang Palawan Daily News sa lungsod at kapansin pansin rin na di gaanong masikip ang daloy ng trapiko. Bukas din ang mga Automated Teller Machines ng BDO, RCBC at Metrobank, at iba pang mga pangunahing mga banko sa lungsod.
Nakasalubong ng news team si Ginang Cristy na nagtitinda ng mga laruan sa Baywalk. Aniya, sa kabila ng nangyaring delubyo dulot ng bagyo ay patuloy pa rin ang hanapbuhay.
“Medyo maayos naman po ang bentahan ngayong pasko, kumita ako ng mahigit P8,000 po kagabi sa mga laruan at inaasahan po namin na mabibili pa ung iba naming panindang puwede pang regalo,” saad nito.
Discussion about this post