Kasabay ng isinagawang Promotional Caravan noong Nobyembre 15, 2020 na idinaos sa Sitio Tagkawayan, Bgy. Bacungan ay ipinagtataka ng isa sa mga konsehal ng lungsod ng Puerto Princesa kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos ang pagsasaayos ng kalsada sa nasabing lugar.
Sa privilege speech ni Kgd. Nesario Awat sa kanilang regular session noong Nobyembre 16, binanggit niyang kapansin-pansin na may mga bahagi pa rin sa nasabing lugar na hindi pa sementado.
Aniya, hindi niya batid kung ano ang rason ng usapin kaya iminungkahi niyang dalhin ito sa Committee on Public Works upang mapag-usapan at matanong ang mga kaugnay na tanggapan at indibidwal.
Maliban dito, nabanggit din ni Konsehal Awat na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring internet connection sa lugar sa kabila ng mga pangako noon ng dalawang telecommunications company na magtatayo sila roon ng tower.
“We have to give priority to Tagkawayan. Dahil naniniwala po ang inyong lingkod [that] the City Beach is a good place for us because that [destination] is for free and [safe] for the family dahil ang tubig-dagat po roon ay banayad compared to the other areas of Bgy. Bacungan. Hindi nakatatakot [para] sa ibang hindi marunong lumangoy,” ani Awat.
Ibinahagi rin niya sa kanyang mga kasamahan sa Konseho na naikwento sa kanya ni Assistant City Tourism Officer Toto Alvior na mayroong P200 milyon na ibibigay sana ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) para sa Tagkawayan ngunit di natuloy dahil sa COVID-19. May posiblidad pa umanong tataas pa ito sa P500 milyon.
Ipinabatid naman ni City Councilor Patrick Hagedorn sa kanyang mga kasamahan sa Konseho ang ilang napag-usapan sa kamakailang dinaluhan niyang meeting kasama ang pinuno ng City Tourism Department. Isa umano sa mga dahilan ng aberya sa proyekto sa Tagkawayan ay private property ang ibang lupa gaya ng nahagip din nilang lupain doon. Ang problema umano, ayaw ng iba na magalaw ang kanilang lupain na posibleng dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos ang nasabing proyekto.
Sa napipintong pag-unlad dulot ng proyekto, hinaing ni City Indigenous Peoples Mandatory Representative John Mart Salunday na hindi ma-displace ang kanyang mga kababayang nakatira sa kanilang aprubadong ancestral domain sa bahagi ng Tagkawayan.
Aniya, malinaw sa batas na kapag nasa lupaing ninuno, kahit ang proyekto ay pribado man o hindi, ay subject pa rin sa Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) ng mga IP para masiguro kung ano ba ang kanilang kalalagyan sa loob ng kanilang lupaing ninuno sa takdang panahon.
Ani Salunday, may ilang tourist attractions na rin na naobserbahan umano niyang naalis ang mga IP sa kanilang ancestral domain. Ito aniya ang dahilan na bago magpatuloy sa anumang proyekto ay kailangan munang may FPIC.
Tiniyak naman ni Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) Salunday na hindi sila mahirap kausap dahil sino naman umano sila para tutulan ang mga proyektong magbibigay ng kaunlaran, ngunit ang nais lamang nila ay i-address o makuha ang kasiguruhan at benepisyo para sa kanila.
Kaugnay nito, bagamat sinuportahan ni Konsehal Jimbo Maristela si Kgd. Awat ukol sa pagpapadali sa pagtapos ng daan at TIEZA ngunit iginiit din niyang dapat ding isama ang paglalagay ng elektrisidad sa Tagkawayan upang makahikayat sa sinumang gustong mag-invest sa lugar.
Panawagan niya, huwag nang hintayin pa ang national budget na makapagbigay ng pondo. Kung mayroon namang salapi ang siyudad ay pondohan na kahit hanggang Tagkawayan o Simpocan lamang.
Ani Maristela, magagandang lugar ang Brgy. Bagong-bayan at Brgy. Simpocan at maikukumpara ang mga beach doon sa City Beach ngunit hindi lamang maka sulong-sulong ang mga investors dahil walang serbisyo ng elektrisidad.
Dagdag pa ni Kgd. Maristela, punong-puno na ng ilaw ang lungsod mula sa P1.4 bilyong loan ng siyudad na kung saan ang P700 milyon ay ilalagay sa pagpapailaw sa Poblacion area ngunit wala naman sa mga tagong barangay.
“Ipinagmamalaki po natin na napakaliwanag na ang siyudad ng Puerto Princesa pero nakalulungkot pong isipin na ‘yong ating mga kababayan doon sa Bagong-bayan, Simpocan, at pati ‘yong ating City Beach na P25 million lamang ang kailangan ay hindi pa natin mapartihan! Para bang sinasabi Pasko lamang dito sa bayan, Pasko lamang dito sa siyudad pero walang ilaw doon sa malalayong lugar,” ani Maristela.
Nagdikit-dikit na umano ang ilaw sa poblacion ng siyudad kaya kahit sana umano mabawasan ang pondo para sa pailaw para maibigay ang P25 milyong kahilingan at ilagay sa rural barangay sa Napsan, Bagong-bayan hanggang City Beach sa Brgy. Bacungan.
Ito ang dahilan kaya nais niyang imbitahan sa susunod na QandA ang City Engineering Department, City Budget Officer at ang contractor sa pailaw na pinondohan ng siyudad ng P700 million upang malaman kung ano na ang update sa proyekto.
Marami rin umanong mga tagasiyudad ang nagtatanong kung bakit dalawang taon pa lamang ang naunang ipinatayong poste ay nilalagyan na naman ng bago.
Ngunit bwelta ni Kgd. Roy Ventura, dumadaan sa Sanggunian ang lahat ng mga proyektong gustong gawin ng ehekutibo.
Aniya, sa isang Breakfast Meeting ay sinabi ni Mayor Lucilo Bayron na mayroong 10,000 units na solar street lights para sa susunod na taon na ilalagay sa rural barangays kasama na ang Tagkawayan sa Brgy. Bacungan.
“Join ka rin Konsehal sa ating breakfast meeting para alam mo rin ang plano ni Mayor Bayron,” ang parunggit naman niya kay Kgd. Maristela kasabay ng tawanan ng lahat.
Binigyang-diin niyang kung gusto magkaroon ng development sa isang lugar ay kailangang baguhin din ito.
“Noon, ang sigaw ng tao, ‘Madilim ang Puerto Princesa!’ Nilagyan natin ng liwanag, ngayon, nagrereklamo bakit dala-dalawa ang poste,” ani Ventura.
Giit niya, nagagamit naman ang nasabing mga poste.
“Hinay-hinay lang po. Hindi natin kayang pagsunod-sunurin ang mga proyekto sa Puerto Princesa, mahina ang kalaban,” aniya.
“Relax, darating po ang liwanag sa inyong barangay,” dagdag pa ni Ventura.
Kampante naman si Konsehal Victor Oliveros na nangyayari rin na magiging pinakamaliwanag ang Puerto Princesa sa buong bansa. Dagdag pa niya, baka di lamang sa buong bansa kundi sa parte ng Asya.
Ukol naman sa connectivity, ani Kgd. Ventura, mahigpit ang panuntunan ng Puerto Princesa na minsan ay isa sa mga nagpapahirap sa mga telco kaya di agad na makagpapalagay ng cell sites tower sa core zone area ng siyudad.
“Dapat po, ‘yan ang pag-aralan natin kung paano natin maayos ang ordinansa natin diyan sa core zone area para makapasok po roon ang mga telco. ‘Yan lang po ang problema nila…sa Tagkawayan, Bacungan; sa Bagong bayan, Simpocan, at Napsan….Bawal po kasi na mag-establish ng tore roon o ng cell sites sa mga core zone area na doon po ang pinakamabilis na connection sa ibang area nila–from tower,” aniya.
Ukol dito, ipinabatid ni Kgd. Hagedorn na operasyonal na ang cell sites sa Brgy. Simpocan, sa Brgy. Napsan ay nakatayo na ngunit hindi pa operational, habang sa Brgy. Bacungan ay hinihintay na lamang.
Samantala, pinaalalahan ni Bise Mayor Maria Nancy Socrates ang mga chairman ng Komite na isama sa mga konsiderasyon ang laman ng komento ni City IPMR Salunday ukol sa ancestral domain ng IPs sa Tagkawayan.
Kaugnay nito, ang isyu ukol sa kalsada sa Tagkawayan ay ipinadala sa Committee on Public Works; ang pondo mula sa TIEZA ay ipinadala sa Committee on Tourism at Committee on Public Works; ang wifi connection ay sa Committee on Information Technology at Committee on Environment and Natural Resources habang ang pagpapailaw sa Bagong-bayan area ay sa Committee on Energy.
Sa mga isyu namang nabuksan sa Sanggunian, nakatakdang ipatawag sa susunod na sesyon sa pamamagitan ng Question Hour ang PALECO, ang contractor ng Tagkawayan area, at ang mga kinatawan ng City Budget Office at City Engineering Department-Electrical Division.
Discussion about this post