Kinumpirma ni PNP Regional Director Nicerio Obaob na may ipinadala ng investigating team sa Lalawigan ng Palawan na mag-iimbestiga sa mainit na isyung kinasasangkutan ng dating City PNP Chief ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO).
Gaya ng naunang pahayag ni PBGen. Obaob sa panayam ng Palawan Daily News (PDN) Team, muli niyang binanggit sa kasunod na panayam na aalamin nila ang buong isyu na ibinabato laban kay relieved PPCPO Chief Marion Balonglong at sa ilang personnel ng local PNP sa pamamagitan ng grupong inatasang tututok sa kaso.
“I want to assure the people that we do not tolerate kung mayroon mang nagkakamali sa amin…. That is why we are sending a fact-finding team. So, bigyan natin ng panahon ‘yung magtatanong at mag-iimbestiga para mas malaman natin [ang tunay na naganap],” paliwanag ng chief ng PNP MIMAROPA.
Tiniyak niyang walang dapat ipag-alala ang mga mamamayan dahil hindi umano nila palalagpasin ang anumang pagkakamali sa kanilang hanay.
“We have the internal cleansing [sa PNP] di ba? [So,] don’t worry, wala kaming pinapanigan ‘pag he (PCol. Balonglong) deserves to be punished,” giit pa ni PBGen. Obaob.
Bagama’t nilinaw ni Obaob na kung wala pa ang resulta ng imbestigasyon na magdidiin sa grupo ni Balonglong ay hindi pa maaaring husgahan ang mga sangkot.
Kaalinsabay ng Araw ng Kalayaan ay tuluyan nang naalis sa pwesto si Balonglong na napag-alamang habang gumugulong ang imbestigasyon ay pansamantalang itatalaga sa Police Regional Office. Siya naman ay pinalitan ni Regional Personnel and Records Management Division Chief Sergio G. Vivar Jr.
Si Personnel Officer Vivar ay kabilang sa PNPA Class of 1993 at ito na umano ang kauna-unahang pagkakataon na hahawakan ni Vivar ang posisyon sa pagka-city director.
“Marami na siyang hinawakan pwesto sa region; so, paikot-ikot na lang siya. Now, I am giving him a chance to also serve a public there; to serve the community in [the City of] Puerto Princesa,” masaya namang pahayag ni PBGen. Obaoba.
Matatandaang base sa naunang mga ulat, sinaktan umano ng team ni Balonglong at iligal na inaresto ang mga tauhan ng DENR-CENRO Puerto Princesa at barangay tanod noong June 10 na magsasagawa lamang sana ng inspeksyon sa mga informal settlers sa mangrove area sa Bucana sa Brgy. Matahimik.
“The order was issued today, effective today and his replacement is going there now,” ani PBGEN Obaob kahapon, June 12.
Aniya, maaaring wala ng pormal na seremonyang gagawin sa pag-upo ng bagong talagang City PNP Chief ng Puerto Princesa dala ng banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Kaya lang siyempre, malayo ‘yung Palawan, so, medyo baka madi-delayed pa ang pagpunta [niya] riyan. Pero ando’n na, he’s trying to get there. And Col. Balonglong was also told to get here and to relinquish his post,” dagdag pa ni Obaob.
Discussion about this post