Ipinaabot ng isang concerned citizen sa Bayan ng El Nido na personal niyang nasaksihan na ginagamit sa pangingisda ang ilang Tourist boats na nakabase sa kanilang munisipyo na malinaw aniyang paglabag sa orihinal na layunin ng kanilang permit.
Sa Facebook chat message ni Genesis Dalmacio Peñaranada, isang mangingisda sa nabanggit na bayan, sinabi niyang sa ilang beses niyang paglaot sa gabi ay nakita niya ang mga bangkang pangturista na ginagamit sa pamumusit.
“Last week, doon sa north Guntao mayro’n. Gabi na at di ko masyado nakita name ng boat, pero as in talaga, tourist boat [‘yun with] max of 10 pax [capacity]. Last night (Miyerkoles) naman dito sa Miniloc [Island], ginamit sa pamumisit,” ani Peñaranada.
Binanggit pa niyang kapag may nakitang bagong insidente ay kukunan niya ng larawan at ibabahagi sa lahat.
“Pag madaanan ko ulit…pi-picture-an ko at i-upload na lang para maging patas ang lahat. Dapat kasi No! exemptions. ‘Pag bawal, dapat ay bawal lahat,” ang komento naman niya sa isang thread ng conversation sa isang post na kapwa niya taga-El Nido.
Sa hiwalay na panayam naman ng Palawan Daily News (PDN) Team kay Commander Severino Destura ng Coast Guard District Palawan (CGDP)-Puerto Princesa City Station, iginiit niyang kung ang bangka ay nakategorya sa panggamit pangturismo ay hindi na maaaring gamitin sa ibang layunin gaya ng pangingisda.
“May mga karampatang papeles po na ini-issue ang gobyerno para sa klase ng bangka. Kung pang-tourist boat po ‘yon, hindi po ‘yon papasok sa fishing boat. So, hindi talaga pinapayagan,”punto ni Destura na tumatayo ring tagapagsalita ng Coast Guard District Palawan.
Paliwanag niya, ito ay sa kadahilanang may mga pangkaligtasang rason na isinaalang-alang ang mga kagaya nilang nagbibigay ng permit para masiguro ang kaligtasan ng mga sasakay ng partikular na bangka.
Komento pa ni Comm. Destura, nauunawaan nila ang kalagayan ng mga mamamayan sa ngayon na dumadanas ng hamon bunsod ng COVID-19 ngunit hindi umano iyon dahilan upang hindi na sundin ang batas.
Aniya, ang maaaring gawin sa ngayon ng mga apektadong tourist boat operators ay lumapit sa Maritime Industry Authority (MARINA)-Palawan at sa lokal na pamahalaan kung papayagan silang i-convert ang bangka nila sa pangisda. Ngunit paliwanag niya, sa ganitong paraan naman ay hindi na maaari pang ibalik uli sa dating kategorya ang na-convert na bangka.
Ang pinakainam na lamang umanong gawin ng nasabing mga apektadong sektor ay makipag-ugnayan sila sa LGU-El Nido at hilingin na payagan silang gamitin ang pangturista nilang bangka sa pangingisda kahit ngayong panahon lamang ng COVID-19 kalakip ang mahigpit na tagubiling “hindi pwedeng pangkomersiyo” kundi pangkonsumo lamang. Mangyayari umano ito sa pamamagitan ng isang ordinansa na isusumite rin sa CGDP at pakikipag-ugnayan din sa Municipal Agriculture Office at BFAR.
Una nang na-tag ang PDN Team sa hinaing ng ilang residente ng Bayan ng El Nido na nagtatanong sa Coast Guard El Nido Station kung bakit hindi pinapayagan ang nabanggit na set-up.
Batay sa Facebook group post ni Augus Russ, isang negosyante sa nasabing munisipyo, na naka-tag sa PDN Team, tinanong niya sa PCG-Palawan kung ano ang aksyon nila sa hinaing ng nakararaming Palawenyo.
“Bakit daw po hindi pinapayagang mangisda ang boat na pangturista dapat daw bangka talaga na pang fishing kung pang turista daw hindi pwede? Nasa COVID-19 pandemic po tayo ngayon…bakit pati pangingisda ng mga tao ay pagbabawalan n’yo pa dahil lang sa pangturista ang kanilang bangka? So, kung two years na walang turista sa El Nido pabubulukin na lang ang mga bangkang pang turista kasi hindi pwede gamitin sa pangingisda?” aniya.
Sa panig naman ng lokal na pamahalaan ng El Nido, sa pamamagitan ng text message ay sinabi ni Municipal Tourism Officer Arvin Acosta na sa kasalukuyan ay wala pang nagagawang ordinansa ang LGU kaya hindi pa pinapayagang gamitin ang mga tourist boats sa fishing activities.
“As of now, we rely sa decision ng Coast Guard. We understand kailangan nila source ng pagkain at di naman bawal mangisda sa quarantine rules maliban bawalin ng Coast Guard. Nakatuon kami sa pag-lobby sa re gradual re-opening ng tours para sa Palawan residents,” aniya.
Nakatakda din umanong i-discuss sa planning sa susunod na linggo
Discussion about this post