Nangunguna pa rin ang faulty electrical wiring bilang pangunahing sanhi ng sunog, ayon sa tala ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Puerto Princesa batay sa mga nakalipas na insidente.
Ayon kay Fire Officer 1 Lanie R. Formanes, karaniwang nagmumula ang sunog sa mga problema sa linya ng kuryente at sa mga koneksyon ng mga kable at kagamitang nakasaksak. Sumunod naman sa mga naitalang sanhi ay ang open flame, tulad ng napabayaang kandila at mga nakasinding kalan.
“Based po sa data namin ang common cause po ng fire pa rin talaga is electrical at open flame. Sa electrical po nandyan po yung overloading po…and sa open flame po yung mga napabayaan po na kandila at mga nakasinding kalan po,” saad niya sa isinagawang “Kapihan sa SM” nitong Marso 5.
Dahil dito, muling nagpaalala ang ahensya sa publiko na iwasan ang pag-overload ng extension wires, mga napabayaang appliances na nakasaksak, at iba pang may kaugnayan sa linya ng kuryente.
Pinayuhan din ng ahensya ang publiko na huwag pabayaan ang mga nakasinding kalan at tiyaking magsagawa ng regular na inspeksyon sa mga tangke ng gasul upang maiwasan ang posibleng sunog.












