Minalas ang isang ginang matapos dumulog sa Police Station 1 (Mendoza) ng Puerto Princesa upang kumuha sana ng PNP Clearance nitong Biyernes, Hulyo 14 matapos na makilala ito ng mga kapulisang bilang suspek sa isang kaso ng Human-Trafficking.
Ayon sa PNP, kukuha sana ng police clearance sa istasyon ang suspek, ngunit lumabas sa system na may aktibo pa itong kaso, at sa agarang pagverify ng mga awtoridad ay natuklasang mayroon siyang umiiral na warrant of arrest.
Kinilala ang suspek bilang si Michelle Gardoce, 35-anyos, walang asawa, walang trabaho, at residente ng Barangay Poblacion 6, TayTay, Palawan.
Siya ay inaresto ng mga tauhan mula sa Police Station 1 sa ilalim ng pamamahala ni PMAJ Pearl Manyll Marzo, Station Commander, at 401st B MC RMFB, alinsunod sa Warrant of Arrest na inisyu ni Roberto P. Quiroz, Hukom, RTC National Capital Judicial Region, Branch 29, Manila, na may petsang Hunyo 28, 2016.
Siya ay inaresto dahil sa paglabag sa seksyon 4(a) at seksyon II ng RA 9208 o “Anti-Trafficking in Person Act of 2003,” na walang piyansa ayon sa hukom.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Police Station 1 ang suspek at dadalhin sa korte na nag-isyu sakanya ng warrant para sa tamang pagngangalaga.
Discussion about this post