Muling ginanap ang paligsahang Scoop Basura sa Puerto Princesa Baywalk bilang bahagi ng programang “Save the Puerto Princesa Bays” noong Sabado, Hulyo 15, na nilahukan ng mga ‘uniformed personnel’ at ahensya ng pamahalaan.
Bawat grupo ng mga kalahok ay binubuo ng sampung miyembro. Binigyan ang mga ito ng dalawang oras para kolektahin at sisirin ang mga basurang nasa ilalim ng karagatang nakapaligid sa Puerto Princesa Baywalk.
Hiniwalay ang mga nakolektang basura depende sa klasipikasyon tulad ng residual waste, recyclable waste, industrial at biodegradable waste. Ang may pinakamaraming naipon na basura batay sa kabuaang timbang ang hinirang na nanalo.
Sa huli, itinanghal na kampeon ang Naval Special Operation Unit (NAVSOU) na nakaipon ng 213.9 kilo ng basura at sila ay tumanggap ng sampung libong piso. Nakamit naman ng Oplan Linis ang ikalawang puwesto matapos makolekta ang 190.2 kilo na basura, at sila ay tumanggap ng pitong libong piso. Ipinagkaloob naman sa Philippine National Police Maritime Group (PNP-MG) ang ikatlong gantimpla at limang libong piso matapos silang makaipon ng 121.375 kilo ng basura.
Lumahok din sa Scoop Basura ang kinatawan iba’t ibang ahensya tulad ng 3rd Marine Brigade (3MBde), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP),Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA), at Bantay Dagat.
Idinaos kasabay ng Scoop Basura ang ‘Urban Forestry Baywalk Tree Planting’ na nilahukan ng mga opisyales at sangay ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa, at ng mga ahensya tulad ng Department of Environment and Natural Resources – Provincial Environment and Natural Resources Office (DENR-PENRO); DENR-CENRO; Foundever; PCG; PNP; BFP; Western Command (WESCOM); Palawan Pay; PGS, Pageos Inc.; Delta P Power Plant; Alpha Phi Omega; Puerto Princesa Water Reclamation & Learning Center, Inc.; Puerto Princesa Chamber of Commerce and Industry Inc.; Palawan Artists Collective; at Project Zacchaeus Eco-Kolek.
Layunin ng aktibidad na ipanumbalik ang kalinisan ng karagatan at isulong ang kolektibong pagpapahalaga sa baybayin ng Puerto Princesa sa tulong ng iba’t ibang sektor sa lungsod.
Discussion about this post