Binigyang-linaw ni Gobernadora Amy Roa Alvarez ang isyu kaugnay ng umano’y hindi pa natatanggap na sahod ng mga empleyado noong nakaraang administrasyon.
Ayon sa kanya, napirmahan na niya ang lahat ng mga dokumentong nasa kanyang hurisdiksyon at legal na maaari niyang pirmahan, kabilang ang mga clearance, voucher, at tseke ng mga empleyado sa ilalim ng administrasyon ni dating Gobernador Dennis Socrates.
“Lahat po ng ano, that I could sign, na-sign ko na po. Lahat ng that I could sign na ma-release ko na-release ko na po. That’s it. Whatever na lang that I could sign, I signed na everything,” pahayag ni Alvarez sa mga lokal na media noong Enero 20.
Kinuwestyon niya rin ang umano’y mga hindi naasikasong payroll at hindi napirmahang voucher ng mga empleyado ng administrasyon ni Socrates.
“Sino ba ang governor that supposed to be nag-sign nun?” tanong ni Alvarez sa mga media.
“They were here till June 30. Shouldn’t they just sign whatever needed to signed? Kasi may mga payroll din dyan na hindi talaga nagawaan till after. So, parang, paano ‘yan? And even ‘yung mga voucher – hindi na sign,” saad pa niya.
Ayon pa kay Alvarez, ang lahat ng dokumentong legal at nasa kaniyang hurisdiksyon ay kanya nang natapos pirmahan. Aniya, ang natitira na lamang ay ang mga payroll na may petsang bago ang Hunyo 15.
“Pero everything that was legally for me that I could sign, sinign ko na.”
Kinuwestyon din ni Provincial Administrator Atty. Jefrie R. Sahagun ang umano’y hindi pagpirma ng mga opisyal ng nakaraang administrasyon sa mga dokumentong may kinalaman sa sahod ng kanilang mga empleyado na ipinasa na lamang sa kasalukuyang administrasyon.
“Bakit ‘yung previous administration hindi sila sinign? Tapos ‘yung current administration, sila ‘yung magsa-sign? If you were the governor now? Would you sign?”
“’Yung document na pinapa-sign is a voucher. So, by the document itself, ano ba ibigsabihin ng vouching? You attest to the legality eh hindi naman ikaw ‘yung governor nun. How can you attest to that?” dagdag pa niya.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni dating Gobernador Socrates at ang ilan niyang opisyal kaugnay sa mga nabanggit ni Alvarez at Sahagun.












