Dahil sa di matawarang pagtulong sa mga pamilyang naapektuhan ng COVID-19 pandemic sa Lungsod ng Puerto Princesa ay binigyang pagkilala ng Sangguniang Panlungsod ang “Batang Puerto Princesa (BPP).”
Ang “Batang Puerto Princesa” ay isang aktibong social media group na itinatag ng founder na si Majal Bautista noong Sept 8, 2017 na binubuo ng mga indibidwal mula sa lahat ng antas ng pamumuhay na naninirahan at hindi naninirahan sa Puerto Princesa City.
Iginawad ang nasabing parangal kasabay ng ika-56 na regular na sesyon ng City Council noong Lunes, Setyembre 1, 2020 sa pamamagitan ng Resolution No. 711-2020. Sa ngalan ng grupo ay personal naman itong tinanggap ni Kgd. Jing Molo Garcellano, ang admin ng nasabing social media group.
“The group endeavors to work hand-in-hand with the City Government of Puerto Princesa by supplementing the essential daily provisions to their fellow Puerto Princesans. They are the unsung heroes, coordinating information, and providing actual and site data to the City Government,” ang bahagi ng resolusyon.
Walang pag-iimbot umano nilang ibinahagi, hindi lamang ang kanilang mga resources kundi pati na rin ang kanilang kasanayan, talento, at karunungan upang makatulong sa paglaban sa COVID-19.
Sa ilang post sa social media private group ng BPP na may similar ding pangalan, malugod na inihayag ng founder ng BPP ang kanilang pasasalamat sa Pamahalaang Panlungsod mula sa pagkilalang natanggap na kanila namang inialay sa nasa 44,011 na mga miyembro ng kanilang grupo.
“Sa oras ng pangkalahatang sakuna, maaasahan ang BPP dahil buhay ang pagkakaisa at pagkakapatiran sa Batang Puerto Princesa. Napapanahon na kilalanin ang kabayanihan ng mga natatanging mamamayan, mga haligi ng demokrasya at tamang pamamahala. Sana’y magbigay pa ito ng dagdag na inspirasyon para magpatuloy,” ang statement ni Majal Bautista sa hiwalay na panayam ng Palawan Daily News (PDN).
Discussion about this post