Nakatakdang magpulong ang Puerto Princesa Anti-Crime Task Force, mga Punong Barangay kasama ang Alkalde upang pag-usapan ang mga hakbang para paigtingin ang pagbabantay at maiwasan ang mga insidente ng karahasan sa Puerto Princesa. Ito ay matapos maitala nitong January 2 ang insidente ng pananaksak at pagpatay sa Puerto Princesa Baywalk na kinasangkutan ng mga menor de edad.
Nagpaalala naman ang Hepe ng Anti-Crime Task Force na si Richard Ligad sa mga magulang na sa bahay nagsisimula ang disiplina ng mga kabataan.
“Disiplinahin natin ng maayos ‘yung mga anak natin… [at] maging responsableng magulang rin ho tayo. Hindi porke’t hindi kayang pigilan ang mga anak natin [ay] suko na tayo, hindi ho pupuwede ‘yun…,” ani Ligad.
Dagdag pa nito, ang pangunahing responsable sa kapakanan at kaligtasan ng mga kabataan ay ang kanilang magulang. Pangalawa na lamang dito ang pagbabantay ng mga awtoridad.
“Meron tayong gagawin pero hindi lang ‘yan tungkol sa pagbabantay lang natin…magsimula yan sa mga bahay natin… Pangalawa ‘yun na ‘yung pagbabantay ng gobyerno kung sila [ay] madaanan [pagnagpapatrol]…,” pahayag ni Ligad.
Itinuturing umano ng PNP na sarado na ang kaso ng pagpatay sa Baywalk. Nasampahan na rin ng kasong murder ang dalawang menor de edad na sangkot sa krimen. Pero patuloy umano nilang iniimbestigahan ang anggulo na may nag-utos sa dalawang supek lalo pa at miyembro umano ang mga ito ng isang gang.
Discussion about this post