Umaabot sa tinatayang humigi’t kumulang P250,000 ang pinsala sa naganap na sunog kaninang umaga sa Brgy. Irawan, Lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa Public Information Officer (PIO) ng City Fire Department na si FO3 Mark Anthony Llacuna, sakop ng nasabing halaga ng pinsala ang bahay mismo ng mga biktima, ang mga gamit at materyales sa pananahi, mga personal na gamit sa bahay at ang mga bahagyang napinsalang bike at motorsiklo.
Ani Llacuna, natupok ng apoy ang nasabing bahay matapos na magsimula ang sunog bandang 7:45 am at naiulat sa kanilang tanggapan dakong 7:50 am.
Aniya, sa resulta ng isinagawa nilang imbestigasyon, lumalabas na electrical ignition ang source ng apoy dahil sa electric fan na naiwang nakasaksak pa sa outlet ng kuryente.
Napag-alaman umanong pinaayos na ang nasabing electric fan at dahil doon ay wala na ang fuse. Uminit umano ang motor ng nasabing kagamitan hanggang sa umapoy at matunaw ang base nito at nadamay na ang kalapit na kurtina at ang mga tela na ginagamit sa pananahi na malapit lamang din sa source ng apoy.
Wala umanong tao sa nasabing bahay nang maganap ang insidente at napansin lamang ng kanilang mga kapitbahay ang pagliyab ng apoy.
Ani FO3 Llacuna, may trabaho ang asawang lalaki habang ang babaeng asawa naman ay naglalako ng mga kakanin. Wala rin umano ang kanilang apo at ang kasama nilang may edad na nang maganap ang insidente.
Paliwanag niya, siyam na minuto pa ang lumipas bago marating ng mga bombero ang lugar ng sunog dahil sa kalayunan ng area at sa mga ginagawang daan sa bahagi ng Brgy. Sicsican.
Dahil sa insidente ay hinihimok ng pamunuan ng BFP-Puerto Princesa ang mga mamamayan ng lungsod na direktang tumawag sa kanilang tanggapan gamit ang cellphone para sa mas mabilis na pagpapadala ng impormasyon sapagkat tatlong segundo lamang umano ang lilipas ay dodoble na ang lawak ng apoy.
Maaari aniya silang maabot sa pamamagitan ng 0977-855-1600 (Globe), 0925-707-7710 (Smart), 434-2076 sa landline o sa 911.
“Bago po umalis ng tahanan ay i-unplug ‘yong lahat ng mga appliances na nakasaksak kasi po di ‘yan naka-design na 24 oras [na ginagamit] at ang lahat ng source ng ignition, halimbawa [kung] nagluluto tayo, ‘wag iiwanan kasi kanina, may naiwan silang niluluto roon, may apoy [din], may nakasalang,” paalaala pa ni FO3 Llacuna.
Discussion about this post