Itinuloy ng Environmental Inter-Agency Task Force ang demolisyon sa mga ilegal na istraktura sa Sitio Bucana, Barangay Iwahig ngayong araw, June 18, kasama na ang mga bakod sa lupang inukupa ng sinibak na hepe ng City PNP na si Col. Marion Balonglong.
Ayon sa Officer-in-charge ng DENR – CENRO na si Felizardo Cayatoc, ang inukupa ni Balonglong kasama ang relocation area para sa mga taga-Barangay Matahimik ay bahagi ng Presidential Proclamation No. 718 na nai-award sa Palawan Landless and Farmers Association Inc.
Gayunpaman, sinabi ni Cayatoc na malinaw na nakasaad sa batas na hindi kabilang dito ang mangrove at swamp areas tulad na lamang sa Barangay Iwahig kung saan pinagpuputol at sinunog pa ang mga puno ng bakawan sa lupang inuukupahan ni Col. Balonglong.
“Nai-award ito sa Palawan Landless pero doon sa Presidential Proclamation 718 is very clear stated na all mangroves and swamp areas are not included or either excluded from resettlement, from disposition or occupation. Kaya itong mangrove at swamp areas natin ay hindi kasama doon sa na-allocate for Palawan Landless,” ani Cayatoc.
Dahil dito, malinaw anyang may paglabag sa batas at kitang-kita naman ang ginawa sa mga puno ng bakawan kung saan ang mismong nasa loob ng lupaing sinasabing kay Col. Balonglong ay malinis na at binakuran pa.
Legal din anya ang kanilang operasyon dahil mayroon silang demolition order na pirmado rin ni Mayor Lucilo Bayron.
Ipinaliwanag din ng DENR official kung bakit tila malaki na ang naging pinsala sa mangrove area sa Sitio Bucana at huli na nang mapansin ng environmental law enforcers.
Sinabi ni Cayatoc na marahil ay isinagawa ang “full blast” nito noong kasagsagan ng enhanced community quarantine kung saan limitado lamang ang nakakalabas ng mga bahay.
“Actually, may activity na ganyan pero itong particular area na ito at ibang adjacent areas ay napakabilis. And of course, starting March 17 ay hindi na nga makalabas ang ating mga tao para sa trabaho natin pero itong naging buffer nila is ‘yung mga bakod kaya kahit nasa highway s’ya ay hindi mo agad na may nangyayari dito sa loob,” paliwanag ng opisyal.
At dahil may nilabag na batas, tiniyak ni Cayatoc na may mananagot at tuloy ang paghahain nila ng kaso laban sa mga nasa likod ng pamumutol ng puno ng bakawan sa lugar.
Ito rin anya ang dahilan kung bakit nagpapatuloy din ang kanilang inventory dahil mapapasama ito sa pagsasama ng kaso at magde-determina sa bigat ng nilabag ng mga sangkot sa iligal na aktibidad.
“Under 8550, dagdag sa bigat ng offense itong resulta ng inventory natin kung gaano karaming puno ng bakawan ang pinutol at ano ang mga naka-konekta dito na naapektuhan dahil ang mangrove ay konektado ‘yan sa dagat. Maliban pa ito sa PD 705 na kaso dahil dito sa Palawan, alam natin na may Presidential Proclamation 2152 na sinasabing… declaring the entire province of Palawan as mangroves swamp and forest reserve,” giit ng DENR official.
Sa panig naman ng Palawan Council for Sustainable Development, sinabi ni PCSDS Executive Directorr, Atty. Teodoro Matta na nakahanda silang tumulong lalo na sa aspetong teknikal.
Suportado rin nito ang pagdeklara kay Col. Balonglong bilang persona non grata sa lungsod ng Puerto Princesa dahil sa pagkakasangkot sa pang-aabuso sa kalikasan at mga tauhan ng DENR na gumaganap lamang ng kanilang tungkulin.
“Ang pagka-declare ng persona non grata is symbolic gesture na makita natin na ang city ay stands by its enforcers at maganda ang prinsipyo ng ating city government na pangalagaan ang ating kalikasan,” ani Atty. Matta.
“Hindi lang ito ‘yung destruction ng mangrove, it actually tells a bigger story na may problema tayo sa ating human settlement at may problema tayo sa ating migration practices. Kapag may pumapasok na tao sa ating probinsya at sa ating siyudad na walang matirahan, magse-settle ‘yan kung saan mayroong matitirahan. So, makikita natin… ang nakakalungkot kasi dito hindi lang mangroves nag nasira kundi pati breeding grounds at nesting ng iba’t-ibang animals na nawala dito pati isda,” dagdag ng PCSDS chief.
Samantala, sa kabuohan ay mahigit tatlong daang istraktura ang apektado ng isinasagawang demolisyon sa lugar.
Ayon kay Alex Hermosa, ang Program Manager ng City Anti-Squatting, 77 iligal na istraktura na ang kanilang nagiba mula nakaraang linggo at marami pa anyang kasunod.
“77 na ang aming na-dismantle tapos 113 na bakod na tarya-tarya… 113 at nakapag-serve kami ng Notice to Vacate sa 217. So meaning, after 30 days ay marami pang gigibain at ang pag-validate n’yan sa housing ay kung itong mga ito ba ay nakatanggap nan g relocation o wala,” kumpirmasyon ni Hermoso ng Anti Squatting.
Umaasa naman ang mga residente sa lugar na apektado ng demolisyon na mabigyan sila ng relocation site ng city government.
Napag-alaman din na may ilan sa mga ito ang nabili lamang sa murang halaga ang tinayuan nila ng maliit na bahay nang hindi nalalaman kung legal pa o hindi ang mga papeles ng nabili nilang lote.
Discussion about this post