Aminado ang Inter-Agency Task Force at Incident Management Team ng Puerto Princesa na nahihirapan sila sa contact tracing matapos din nitong kumpirmahin na isang tindera sa old public market ang nagpositibo sa COVID-19 at kasalukuyang naka-isolate at ginagamot ng mga doktor.
Sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod, sinabi ng mga tagapagsalita ng IMT ito ang dahilan kung bakit nagsagawa ng decontamination at disinfection sa pamilihang bayan ng lungsod nitong nakaraang linggo.
Mahirap kasi anilang matukoy ang lahat ng mga nakasalamuha ng tindera sa palengke lalo pa’t hindi naman lahat ng bumili sa kanyang paninda ay kanyang kakilala.
“Yong isang nagpositibo po sa Barangay Sta. Monica sa Villa Princesa ay market vendor ng old market kaya nagkaroon po ng decontamination at disinfection po sa old market. ‘Yong close contacts po ng vendor ang alam ko po ay na-identify ‘yon last week,” ani Atty. Norman Yap sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod.
“Ang contact tracing team po ay nakasalalay lang din po sa kung ano po ang sasabihin ng ating patient. ‘Yong mga hindi po n’ya kakilala, I think, isa po talaga ‘yon sa mga limitasyon natin. Ang amin pong pinangangalagaan ay ‘yon pong confidentiality po ng ating patients dahil mayroon po tayong batas na nagpe-penalize sa public disclosure po ng patients’ information natin,” paliwanag naman ni Atty. Christine Longno sa konseho.
Pero para kay Councilor Elgin Damasco, hindi naman kailangang pangalanan ang mga pasyente bagkus ay mabigyan lang ng tamang impormasyon ang publiko para maging handa ang mga ito at malaman kung ano ang dapat gawin.
“Hindi naman tayo nakikipagbanggaan sa IATF kundi nagbibigay lamang tayo ng suhestiyon na kung maaari ay na sa susunod na pagkakataon ay sabihin na sa taong bayan kung ano ang totoo para hindi na tayo mahirapan sa contact tracing,” ani Damasco sa panayam ng Palawan Daily News.
“Ang sa akin lang naman, kung noong nakaraang linggo ay binanggit na nila na may nagpositibo na isang fish vendor… kahit hindi banggitin ang pangalan basta masabi lang sa taong bayan na sa ganitong area ng palengke ay may nagpositibo, para ‘yong mga tao na nakapamili doon at nakitaan ng sintomas ay makakapatingin agad sa mga doktor para hindi na po kakalat pa ang virus,” dagdag ng konsehal.
Sinabi pa ni Damasco na ang problema kasi ngayon ay hindi naman lahat ng nakapamili sa nasabing tindera na tinamaan ng virus ay kilala din ang mga bumili sa kanya na isa sa pinakamabigat na problema rin ngayon ng mga nagsasagawa ng contact tracing.
“Hindi lahat ng customer ay naalala at doon tayo nag-alala sa mga customer po na hindi naalala at kilala. ‘Yong naalala at kilala ay na-identify at na-isolate na pero ‘yong mga hindi sa buong araw na s’ya ay nagtitinda, paano na ngayon. Sana sa ganitong sitwasyon ay baguhin ang regulasyon at ipaalam sa taong bayan. Umaasa tayo na titingnan nila ang suhestiyon na ito dahil hindi naman tayo nakikipagbanggaan sa kanila at ang sa atin lang ay ipaalam talaga sa publiko,” sabi pa ng konsehal.
Discussion about this post