Patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Puerto Princesa. Nagsimula ito nang mamatay ang isang COVID-19 patient mula sa Brgy. San Jose. At sa ginawang contact tracing, lumalabas na mayroon na muling Local Transmission ng COVID-19 sa Puerto Princesa.
Sa kabila nito, nilinaw ni Dr Dean Palanca, Puerto Princesa Incident Management Team Commander, sa panayam ng Palawan Daily News sa programang Boses ng Palawan, na hindi pa ito ang prayoridad ng lokal na gobyerno. Giit nito, nais nilang mapigilan muna ang local transmission na kasalukuyang nangyayari bago pag-usapan ang pagpapatupad ng lockdown. Ngunit mayroon umanong posibilidad na ito ay mangyari.
“As of right now, hindi pa po ‘yan natin napag-usapan ng husto… Pero siyempre may mga small percentage na puwedeng iniisip na rin po yan…”
Dagdag pa niya na ang pinakamahalaga sa ngayon ay ang makilala, mahanap at makipag-ugnayan ang mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.
“Itong pinakamahalaga is ma-contact trace [at] mahanap kung sinu-sino yung mga close contact mula sa kaso ng Barangay San Jose hanggang nandito na sa iba’t ibang mga opisina po ng mga nahawaan na ka-office mate hanggang sa mga friends po nila.”
“So ‘yun ang pinaka-priority, kasi kung ‘yun [ay] magawan kaagad ng paraan at tutulong sa atin ‘yung [mga] individual na ating hinahanap, makikipag-usap at hindi tayo masyadong magkakaproblema po sa kanila [ay] maaaring hindi mangyari yung sinasabi lockdown sa mga iba’t ibang lugar ng Puerto Princesa.”
Umaasa ito na hindi magkaroon ng lockdown sa lungsod dahil ang mga mamamayang nasasakupan ng mga barangay na apektado ng virus ay higit na maaapektuhan.
“So, we hope [and] we pray na ‘wag mangyari naman ‘yung ganyan kasi hindi lang naman ‘yung ating LGU ang nahihirapan diyan, syempre ‘yung mismong affected na lugar diyan ay mahihirapan ‘pag ginawa po natin yun.”
Ayon naman sa isang residente ng Barangay San Jose, kung magkaroon man ng lockdown sa kanilang lugar ay wala silang magagawa kundi ang sumunod.
“Wala namang choice if ever mag-lockdown kung ganun talaga yung decision. Siguro mas okay na rin yun kung yun man yung solution nila, para mas mag-less yung positive [sa COVID-19]. Para hindi dumami, eh di wala naman tayong magagawa, follow nalang.”
“Ang hirap nun kasi kailangan naming umalis alis [para sa trabaho] at saka if ever naman na mag-lockdown dito tapos may mga [quarantine] pass na naman yan ganun din makakalabas pa rin sila [mga tao].”
Discussion about this post