Nakiusap si Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron sa mga opisyal ng Bgy Sicsican na huwag payagang magbenta ng anumang uri ng karne tulad baboy, baka at manok at maging ng ng isda sa kanilang talipapa. Posible kasing malagay sa panganib ang kalusugan ng mga mamamayan.
“Mayroon lang akong pakiusap sa mga barangay officials, yung mga talipapa diyan na nagtitinda ng mga isda at mga karne, kasi kaya natin ipinapatupad diyan dahil sa public health” ani Bayron.
Hindi rin daw ito magandang halimbawa para sa ibang barangay na mahigpit na ipinagbabawal nang magtinda ng karne at isda sa talipapa.
“Medyo inaano ng ibang barangay, yung ginagawang masamang ehemplo, sabi ng mga taga-Tagburos bakit ung Sicsican hindi man paalisin eh bakit kami pinaalis,so yun ang problema kasi pag may isa marami ang gagaya” saad pa niya.
Ipinaliwanag ni Bayron na ang kanilang ginagawa ay para sa kapakanan ng mamamayan. Dahil kung sakali umanong may double dead na karne na mabili ang mga mamimili ay posibleng panggalingan ng mas malaking problemang pangkalusugan at yun umano ang kaniyang iniingatang huwag mangyari.
“Masakit para sa amin na pigilan ang mga mamamayan na kumikita pero ang kabila noon baka mas malaking problema ang maharap natin kung pababayaan lang natin at di natin mapapatawag ang sarili natin na hindi tayo gumawa ng hakbang na masabihan man lang” dagdag pa niya.
Payag naman umano siya na magtinda ng gulay at iba pang paninda sa mga talipapa huwag lang isda at karne para mapangalagaan ang pampublikong kalusugan.
Ginawa ni Bayron ang pakiusap sa mga barangay official sa naganap na pagpapasinaya ng kakatapos na proyekto ng pamahalaang panlunsod, ang pagpapasemento ng Parangue Road, sa Brgy. Sicsican ngayong araw, Enero 28, 2021.
Discussion about this post