Kinumpirma ni Mayor Lucilo Bayron na isang lalaki ang nasawi dahil sa sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19), ang kauna unahang kaso dito sa lungsod ng Puerto Princesa, at pangalawang kasong naitala para sa probinsya ng Palawan.
Sa mensahe ni Bayron sa mga taga Puerto Princesa sa pamamagitan ng Facebook Page ng City Information Department, madaling araw ng Linggo, April 26, inilahad nito na ang pasyente ay residente ng Barangay Tanabag at namatay nitong Martes, April 21 na agad din namang na-cremate sa araw na iyon.
Sinabi ng alkalde na bago lang nila natanggap ang resulta ng test nito kung saan nakasaad na positibo nga ito sa nakamamatay na virus kaya minarapat nilang ipaalam agad ito sa publiko upang makapag-ingat ang lahat.
“Isang 63 years old na lalaki galing… taga Barangay Tanabag ang na-admit sa Ospital ng Palawan noong April 14 dahil sa mataas na lagnat at nahihirapang huminga na namatay noong Martes, April 21, 2020 at agad naman itong napa-cremate ay naglabas ng resulta na positibo sa COVID-19,” ani Bayron sa kanyang recorded message sa mga taga Puerto Princesa.
Samantala, patuloy naman ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyente at agad umaksyon ang city government upang maging ligtas ang lahat kasabay ang panawagan sa lahat na mas ibayuhin pa ang pag-iingat ngayon.
“Nagsisimula na ngayon ang contact tracing upang maihiwalay ang mga taong nakasalamuha ng pasyenteng ito. Muli ay nakikiusap ako sa lahat ng mga mamamayan ng Puerto Princesa na lalong maging maingat. S’yempre, lagi nating i-practice ‘yung social distancing, laging maghuhugas ng kamay at huwag munang makiki-halubilo sa maraming tao,” dagdag ng alkalde.
Samantala, sinabi naman ni City Information Officer Richard Ligad na ang pasyenteng ito ay tatawaging Palawan PUI number 169.
Ipinaliwanag din ni Ligad kung bakit natagalan ang paglalabas ng mahalagang anunsyo ng alkalde na inabangan ng mga taga-lungsod ng halos tatlong oras.
“Kaya po kami natagalan dahil sinecure po muna namin ang Barangay Tanabag, sinecure namin na sila ay ating ma-contain muna doon sa area nila,” ani Ligad sa online announcement ng city government.
Dagdag pa ni CIO Ligad na tuloy din muna ang enhanced community quarantine (ECQ) sa lungsod dahil sa balitang ito.
“Kami po ay nananawagan sa inyo na tayo ay magpatuloy muna sa enhanced community quarantine nating isinasagawa at tayo po ay manatili sa ating mga tahanan kung di naman po importante ang ating gagawin sa mga labas ay i-kansela nalang po muna natin dahil ang ating pong tracing team ay continuous na magti-trace,” dagdag pa ng tagapagsalita ng lungsod.
Samantala, isa pang pasyente sa lungsod na nasa ilalim ng suspect category ang namatay, ala una y medya ng madaling araw ng Linggo, April 26.
“Dito sa suspect nating namatay lang kaninang 1:30 ng umaga, ito po ay na-swab naman sya at ipapadala natin sa kamaynilaan ay maghihintay tayo ng resulta. Inuulit ko, s’ya po ay na-swab at s’ya po ay nasa Poblacion Barangay at hindi naman po natin pwede i-ano ang kung anong barangay pero s’ya ay nasa Poblacion kaya ang pinaka-safe talaga ay stay at home,” pagtatapos ni Ligad.
Discussion about this post