Sumailalim sa isang surprise drug test noong Mayo 25, ang tatlumpu’t-walong (38) kawani ng Kilos Agad Action Center (KAAC) na pinamumunuan ni John Andrew Russell.
Ayon kay City Information Officer (CIO) Richard Ligad, ito ay mandato mula kay Puerto Princesa City Mayor Lucilo Rodriguez Bayron, na naglalayon na maipakita na malinis at walang bahid ng ilegal na droga ang mga empleyado ng pamahalaang panlungsod.
Sa lumabas na resulta, negatibo sa anomang ipinagbabawal na gamot ang mga empleyado ng KAAC.
“Noon pa man, kaisa na tayo sa pagnanais na linisin ang lungsod laban sa ilegal na droga kasi alam naman natin kung ano ang mga masasamang naidudulot nito sa mga tao. Sa pamamagitan nito mapapatunayan natin na tayo sa City Government lalo na iyong inaasahan para sa kaligtasan at kaayusan ng siyudad ay walang ‘drugista’ at maipagkakatiwala natin ang ating mga buhay,” ani Ligad.
“Ninanais rin kasi ni Mayor Bayron na maging drug-free city muli ang lungsod at dapat unahin natin iyong sa bakuran natin mismo,” dagdag nito.
Una na rin dumaan sa random drug tests ang mga tauhan ng Public Order and Safety, City Anti-crime Task Force, Solid Waste Management, at City Traffic Management Office na pinamumunuan rin ni Ligad.
Discussion about this post