Naipon na sa Post Office ng Puerto Princesa City ang mga sulat at iba’t ibang padala papunta sa ibang lugar simula pa noong lockdown, ito ay dahil na rin sa kawalan ng regular na byahe ng mga eroplano na siyang katuwang ng Philippine Post Office.
Sa mga mensaheng ipinadala ng mga concerned citizen sa Palawan Daily, nangangamba sila na maraming mga supply ng mga kagamitan ang nagkakaubusan na sa lalawigan, sa dahilang karamihan sa mga ito ay ipinapadala sa pampublikong post office.
Kahit ang mga pribado o commercial courier ay nag aabiso na rin sa mga magpapadala na matatagalan bago sila makapagpalabas ng mga padala, lalo na’t isang isla ang Palawan.
Aminado ang PhilPost Puerto Princesa Officer-In-Charge na si Mercy Munoz na tambak na ang mga padala na dapat ay nakarating na sa pupuntahan, may mga kontraktor din silang nagkaproblema hanggang sa ngayon kung kaya hirap silang magpalabas ng mga sulat o padala.
“Due to COVID kahit anung gawin namin wala kaming maipalabas, since April 9 nag-skeletal na kami pero ina-advise namin yung mga client namin if ever na willing, hindi pa kasi open [airport], kahit mag accept kami hindi namin maipapadala, naka-standby pa rin dyan,” Ani Munoz.
Ngunit ginagawan na nila ito ng solusyon, ayon kay Munoz dahil isa silang tanggapan ng Gobyerno ay marami lang silang kailangang papeles na ihanda bago gumamit ng ibang paraan gaya ng mga barko na may mga byahe sa lungsod, at malapit na rin anya itong maayos at masisimulan na nilang ilabas sa Palawan ang mga naipong sulat at padala sa mga susunod na araw.
“Ngayon po kasi nagko-quotation pa kami, meron kaming mga naka-standby na mail na hindi pa namin napapadala, ipapadala pa namin pag nag quotation na kami, hindi pa kasi open sa airlines, babayaran po muna namin for the meantime,” Sabi pa ni Munoz.
Limitado rin ang mga sulat na kanilang puedeng tanggapin sa ngayon, lalo na sa mga bansang sarado pa sa mga flights hanggang ngayon mula sa Pilipinas, tulad ng United States of America na siyang maraming tanung sa post office.
Ang mga nagpapadala lamang sa mga sumusunod na bansa ang maaring tanggapin sa Post Office, ngunit walang katiyakan kung gaano katagal, ito ay ang Korea, Brunei, Taiwan, Jordan, Greece, Bahrain, Egypt, France, Saudi Arabia, Bangladesh, Dubai, Germany, Jeddah, Pakistan, Finland, Kuwait, Cyprus, Riyadh, Japan, Malaysia, Myanmar, Guam, Netherlands, Belgium, Madrid, Italy, Switzerland, Qatar, Vietnam at Columbia.
Tiniyak naman ni Munoz na nasa mabuting kalagayan ang mga naipong sulat sa post office.
“Yung mga ina-accept namin naka close bag naman, makikita nyo naman dyan na ready to dispatch na yan,” dagdag ni Munoz.
Discussion about this post