MATIPID ang naging katugunan ni Cabinet Secretary Karlo Nograles nang tanungin ukol sa paghahati ng Palawan.
Unang tumangging magbigay ng komento ang kalihim sapagkat ayaw umano niyang maimpluwensiyahan ng kanyang posisyon ang paghahanda para sa plebesito sa 2020 at lalo pa’t hindi naman aniya siya kongresista sa mga panahong iyon. Aniya, Nob. 5, 2018 nang italaga na siyang kalihim ng Gabinete ng Pangulong Duterte.
Tinanong si Nograles ng isa sa local media kung ano ang posibleng naging posisyon niya nang ilatag sa Kongreso ang nasabing isyu noong nakaraang taon.
Ngunit kalaunan ay nagbigay din siya ng pahayag na sumentro sa kaisipang nakadepende ito sa pasya ng nakararami.
“…[L]et the majority decide; majority wins tayo rito kasi nasa demokrasyang bansa naman tayo,” pahayag ni Nograles.
“Hayaan muna natin ang taumbayan ng lalawigan ng Palawan na magdesisyon tungkol diyan kasi it’s a very sensitive topic and it’s something na dapat freely mabigyan ng pagkakataon ang ating mga kababayan sa Palawan to make a decision….,” punto pa ng Kalihim.
Kung sakali naman umanong matuloy ang paghahati ng probinsiya ay tiniyak niyang kaya ito ng kasalukuyang pananalapi ng gobyerno ng Pilipinas na ngayong taon ay may pondo ng humigit-kumulang P4 trillion.
“[Kaya ng ating pananalapi dahil] mayaman naman ang gobyerno eh! Every year, tumataas naman ang kita ng gobyerno kasi nga, under this administration, every quarter, we’re hitting almost six per cent growth per year….Nagiging mas efficient nga ang gobyerno ngayon sa collection sa buwis pati sa customs duties kaya tumataas ang kita nito,” aniya.
Idinagdag din niyang, hindi mawawala ang tulong dito ng pamahalaang nasyunal, mahati man ang Palawan o hindi sapagkat malaki ang naiaaambag nito sa kabuuang kaunlaran ng bansa.
“Palawan has been a very important province in terms of tourism, in terms of economic numbers, economic growth. [It is] one of our growth centers, especially for the Mimaropa region. Malaki po ‘yung role ng Palawan sa growth ng bansa,” aniya.
Samantala, dumating naman sa venue ng pulong-balitaan sa Office of the Student Affairs Services (OSAS) ng Palawan State University (PSU) si Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron kung saan, saglit silang nagkwentuhan ni Cabinet Sec. Nograles at nagpakuha ng larawan bago ang press conference.
Ang pagdating ni Nograles sa lungsod ay bahagi ng isinasagawa ng kanyang hanay na Cabinet Assistance System, isang mekanismo na kung saan ay iniikot nila ang lahat ng rehiyon sa Pilipinas. Layon nitong malaman kung anu-ano ang mga isyu at concern ang pwedeng ilakip sa agenda sa cabinet meeting upang maipaabot at mapagdesisyunan ni President Rodrigo Duterte (PD30).
Discussion about this post