Sinalag ng City Government ang mga lumalabas na reaksyon o mga post sa social media na kung saan ay itinuturo sa pagpapailaw sa Acacia tunnel, Barangay Inagawan ang dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Puerto Princesa.
“Parang mali man ‘yung gano’ n argumento [na isisi sa naging aktibidad nang pagpapailaw sa Acacia tunnel] at walang factual basis ‘yun. Talagang sanhi nito ay mula noong February 26 at March 1 na wala nang quarantine’ yung lahat ng APOR (Authorized Persons Outside Residence) na pumupunta dito, dumadating sa Palawan at sa Lungsod ng Puerto Princesa.” Pahayag ni Atty. Arnel Pedrosa, Puerto Princesa City Administrator.
Ipinaliwanag ni Atty. Pedrosa na kung hindi inalis ang ipinapatupad na quarantine ay hindi mangyayari sa lungsod ang paglobo ng kaso at hindi isasailalim ang 5 Barangay sa Enhanced Community Quarantine.
“Kasi kung may quarantine yan eh ‘di pati ‘yung sinasabi nilang APOR na nandoon sa Acacia Tunnel hindi nakapanghawa doon. At kung may quarantine pa, under quarantine pa siya no’ ng pinapayagan pa tayo mag-quarantine. ‘Yun ang totoong dahilan, hindi doon sa Acacia Tunnel.”
Maging sa huling panayam ng Palawan Daily News sa DOH-MIMAROPA ay inamin din nila na malaking epekto ang inilabas na resolusyon ng National Inter-Agency Task Force na pagluwag ng travel protocols sa mga pupunta sa isang lugar sa bansa kaya patuloy na paglobo ng mga nagpositibo sa COVID-19.
“Sa tingin namin nagkaroon ng epekto ito [ang pagluwag ng travel protocols], dahil sa lax sa ating mga ports and seaports. Dapat paigtingin lalo ‘yung ating pagbabantay sa ating mga boundaries, sa mga ports at saka airports,”
Samantala kung matatandaan inilabas noong February 26, 2021 ng National Inter-Agency Task Force (IATF) ang Resolution No. 101, na kung saan ang mga uuwi o pupunta sa ibang bayan o probinsya ay hindi na kinakailangang sumailalim sa quarantine maliban na lamang kung ang mga ito ay nakitaan ng sintomas ng nabanggit na virus.
Discussion about this post