Suportado ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Area IV Manager na si Mohammad Naga S. Rascal ang mungkahing pahabain ang runway ng Puerto Princesa International Airport (PPIA) matapos ang pagdinig ng Committee on Tourism ng Sangguniang Panlungsod na pinangunahan ni Konsehal Matthew Mendoza noong Enero 20.
Nauna nang iminungkahi ni Palawan 2nd District Representative Jose Chaves Alvarez na dagdagan ng humigit-kumulang 400 metro ang runway ng PPIA na kasalukuyang nasa humigit-kumulang 2,600 metro lamang ang haba.
Dagdag pa niya, hindi rin anya makalapag ang ilang wide-body aircraft na katulad ng Airbus A350 sa PPIA na may kakayahang magdala ng mas maraming turista mula sa ibang bansa, dahil hindi pa ito nakikita ng mga international airline companies bilang akmang paliparan para sa operasyon ng kanilang malalaking eroplano.
Ayon kay Rascal, tama lang anya ang naging suhestyon ng kongresista na pahabain ang runway upang maka-attract ng mga international airline companies na makapag-operate sa lungsod.
“Actually, [the] idea of Congressman Alvarez is very talaga tama, dahil I know JCA is a visionary man kasi if ever our runway ma-extend for 500 meters, it will bring 3,000 meters,” pahayag ni Rascal sa pagdinig.
Noong Enero 16, pinulong ni Alvarez ang mga barangay captain ng Puerto Princesa at ilang negosyante, kasabay ng pagbabahagi ng kanilang karanasan sa biyahe patungong Davao. Ikinuwento niya rin ang kanilang naging karanasan ng kapwa kongresista na si Rep. Gil Acosta matapos sumakay sa isang Airbus A330, na umano’y nahirapang huminto sa runway ng PPIA dahil sa maikling distansya at “load penalty.”
“Papaano ‘yung mga A350 na galing sa Europe? Gusto natin ‘yan diretso na sa Taytay ‘yung airport na gagawin sa Taytay dyan gawin kong 3 kilometer para ‘yung mga taga-Europe na pupunta sa El Nido hindi na dadaan ng Manila,” saad pa niya.
Sa kasalukuyan, ang mga regular na eroplano na lumalapag sa PPIA ay Airbus A320 at A321 na pinapatakbo ng mga pangunahing airline sa bansa gaya ng Cebu Pacific at Philippine Airlines. Noong nakaraang taon, muling lumapag ang Airbus A330 upang tugunan ang dagsa ng pasahero noong holiday season.
Bagama’t panukala pa lamang, sinabi ni Alvarez na nasa lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa ang desisyon kung pag-aaralan at ipatutupad ang mga mungkahing ito. Nilinaw din niya na walang bahid ng pamumulitika ang kanyang panukala at layon lamang nitong mapalakas ang turismo at ekonomiya ng lungsod bilang isang taxpayer.














