Pina-iimbestigahan na ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron ang ulat na pagpasok ng isang yate sa Barangay Concepcion kung saan sinasabing lulan ang nasa pitong Chinese nationals kagabi, July 20.
Ayon kay City Administrator Atty. Arnel Pedrosa, napag-usapan na ito sa pulong kaninang umaga sa city hall at agad inatasan si City Director P/Col. Sergio Vivar Jr. na magsagawa ng imbestigasyon at agad na makipag-ugnayan sa national agencies tulad ng Bureau of Immigration, Philippine Coast Guard at iba pa.
“Bini-verify na nila ngayo ‘yan kung anong flag carrier ba talaga ‘yan tapos ilan talaga ang sakay. We learned earlier na pito sila and may contact na Filipino pero nawawala narin daw at baka tumakbo na. Initially, wala namang nakitang illegal activity maliban nalang sa sinasabing may property dito at walang coordination dahil maraming dokumento ang kailangan d’yan,” ani Atty. Pedrosa.
“Magbabayad na sila ng immigration law, customs law at maraming na-violate dyan pero ipapaubaya na natin sa national law enforcement officers natin at kung meron man dito sa local ordinances natin like poaching, pwede natin din sampahan ng kaso at patawan ng penalty,” dagdag pa nito.
Sa kasalukuyan ay naka-hold na ang nasabing yate habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga sakay nitong banyaga.
Discussion about this post