Kinumpirma ni Araceli Mayor Noel Beronio na lumabas na ang summon mula sa hukuman ukol sa inihain niyang Contempt of Court noong nakaraang buwan laban kay former Araceli Mayor Sue Cudilla.
Ayon kay Beronio, inihain niya ang kaso laban kay Cudilla dahil sa hindi umano nito pagsunod sa Writ of Execution ng korte na nagsasabing siya na ang bagong punong bayan ng Araceli matapos magwagi sa election protest at sa halip ay nanatili pa hanggang ngayon sa Municipal Building ng kanilang bayan.
Aniya, inilabas ng korte ang nasabing summon noong araw ng Huwebes at nakatakda sanang ihatid ng sheriff noong araw ng Biyernes, ngunit dahil island municipality at gipit na sa byahe ay minabuti nilang sa araw na lamang ng Lunes, kahapon, personal na inihatid sa kabilang kampo.
“Binibigyan siya (Cudilla) ng 30 days to answer bakit hindi siya ma-cite ng indirect contempt dahil po sa ginawa niya na pagtanggi sa kautusan ng korte pati ang pagsulat niya sa DILG—parang pinangunahan niya kasi ang korte sa mga moves niya eh,” ayon sa Alkalde na ngayon ay pansamantalang nag-oopisina sa kanilang tahanan.
Kaugnay pa rin sa umano’y pamamalagi pa rin ni former Mayor Cudilla sa munisipyo, noong Martes ay nagpasa ang Sanggunian Bayan na magbabawal sa sinuman na umaali-aligid sa munisipyo pagkatapos ng oras ng opisina lalo pa umano ngayong panahon ng community quarantine na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkukumpulan ng mga tao.
Ani Beronio, hindi lamang umano iyon para mapigilang makalapit ang mga hindi mapagkakatiwalaang mga indibidwal kundi kasama rin mismo si Cudilla at ang kanyang mga supporters na nasa munisiyo kahit hindi naman empleyado o walang otorisasyon para manatili roon.
Itinuloy naman umano ng Konseho ng Araceli ang pagtalakay at pag-imbita sa PNP Araceli ukol sa isyu.
“Binigyan sila ng timeframe na dapat ma-comply nila kasi dapat ‘pag tapos ng office hour, wala na dapat tao ang building maliban na lamang sa mga awtorisadong nag-overtime at saka ‘yong mga may permiso. Pero ‘yong mga ganyan na nandiyan pa rin sila, they’re not authorized kaya aaksyon na ang Sangguniang Bayan,” aniya.
Tahasan na ring sinabi ni Beronio na dapat nang lisanin ng kampo ni Cudilla ang munisipyo sapagkat iyon ang desisyon ng hukuman.
“Wala na siyang rights to stay. Ginugulo na lang niya ang mga taga-Araceli. Tanggapin na lang sana ang kautusan kasi mahaba naman ang itinakbo ng kasong ito. In the first place, kung hindi pala nilang i-recognize ang decision by court, dapat hindi na sil nag-participate sa una palang na mga hearing,” saad niya.
“Actually, sumulat po si [DILG-MIMAROPA] Director [Wilhelm] Suyko sa akin. Sa katunayan, humihingi po tayo ng certification sana na tayo po ang incumbent mayor na kailangan sa Landbank pero ayon sa kanyang sulat, hindi na kailangan ang certification dahil hindi naman ito dumaan sa regular process—ito po ay election protest at nagdesisyon ang korte na tayo po ang nanalo, ay tayo po ang mayor….Malinaw po ‘yon sa sulat ng DILG na tayo po ‘yong umaakto at kinikilalang lehitimong mayor ng Bayan ng Araceli,” dagdag pa ni Beronio.
PAGGAMIT SA MGA RESOURCES NG MUNISIPYO
Ayon pa kay Beronio, sa paggamit ni Cudilla ng tubig, ilaw at kuryente ng LGU-Araceli, anuman ang sobra sa dating normal na nakukunsumo ng munisipyo ay iyon ang isisingil sa grupo ni Cudilla habang sa paggamit naman ng opisina ng alkalde ay pwede umanong i-apply ang first class rate dahil malawak ang nasabing area at may air condition.
“Ginawa niya ng board and lodging [house] ang Municipal Building at nagkakaroon po ng looting sa mga opisina. May mga pagpuwersang pagbubukas ng mga opisina kung ano po ‘yong mga dapat nilang makuha o gamitin sa oras ng pananatili nila roon ay ginagawa nila,” aniya.
MGA PALIWANAG NI CUDILLA
Sa panig naman ni Cudilla, sinabi niyang ayaw muna nilang magsalita ukol sa summon habang sa pananatili nila sa munisipyo, ipinaliwanag niyang iyon ay dahil may hinihintay silang desiyon mula sa Commission on Elections (Comelec).
“Nasa Comelec na po ‘yong aming kaso. So, nag-aantay na lang po kami ng aming order….May certiorari na po kaming nai-file, ‘yon na lang po ang inaantay namin,” aniya.
Ukol naman sa pagpapababa na sa kanya ng hukuman sa kanyang pwesto, iginiit niyang hanggang ngayon ay wala silang pruwebang natatanggap mula sa DILG na si Beronio na ang alkalde.
“Anytime naman po, bababa ako eh pagka may gano’n eh. Eh, wala naman silang maipakita….‘Yan ang sinasabi ng lawyer ko na ‘Hangga’t walang ganon (kautusan mula sa DILG) ay ‘wag kang bababa,” ani Cudilla.
Sa pananatili naman niya sa munisipyo, walang paligoy-ligoy na sinabi ni Cudilla na hindi lamang naman umano ito nangyari sa Araceli.
“Ilang munisipyo na rin po na may ganyan! Tsaka, ano lang ba na electric fan na dalawang piraso at saka ilaw [ang ginagamit namin], ‘yon na ba ang ipamumukha sa akin samantalang mayroon akong ipinaglalaban?” ang may-diin niyang pahayag.
Taliwas sa mga binanggit ni Beronio, ani Cudilla ay hindi sila gumagamit ng aircon sa gabi dahil malamig naman at hindi rin siya sanay mag-aircon dahil hindi naman umano siya lumaking mayaman na kagaya ng kanyang katunggaling si Beronio na tinawag pa niyang “oportunista.”
“Ako naman siguro, hindi naman katigasan ang ulo ko. Ever since, kilala ako ng mga tao—hindi ako bastos na tao at lalong may ipinaglalaban lang ako kaya ganito. Biktima lang po kami dito eh! Nakikita n’yo naman siguro, kailan lang nag-exist ang manual counting? Sa barangay lang ‘yon eh. Dalawang barangay lang [ang binilang ang boto]….Eh, di dapat binilang nila lahat [ng barangay] para masabi nilang fair sila,” dagdag pa niya.
Ukol naman sa mga bayarin sa pananatili nila sa Municipal Hall, sagot ni Cudilla sa mga sinabi ni incumbent mayor Beronio na “Komptyutin niya, saan niya kukunin ang gano’ng ordinansa na nagsasabing may gano’n akong bayarin.”
Hindi rin napigilan ng dating alkalde na ilabas ang inis sa akusasyon sa kanyang grupo na may mga kinukuha sila sa ibang tanggapan.
“Puro walang katotohanan ang lahat ng ‘yan…. Gusto ko pong linawin ‘yong sinasabi nilang looting na ‘yan, nakahihiya naman po sa Bayan ng Araceli na may gano’n. Unang-una po, ‘yong bodega po ng MDRRMO at DSWD ay katabi lang po ng PNP at katapat din ng munisipyo, papaanong magkaka-looting?” aniya.
“Hindi ako magnanakaw!” may diin niyang pahayag.
Giit pa ni former Mayor Cudilla, hinding-hindi gagawin ng kanyang mga tauhan at supporters ang manguha ng mga kagamitan o anumang pag-aari ng munisipyo.
“Wala po kaming mga gano’n na gagawin dahil unang-una, ang mga tao ko, oriented ‘yan at hindi kami mga magnanakaw para sabihin nilang may looting dito sa Araceli. Nakahihiya naman! Siya pa ang nagkakaladkad sa munisipyo na sinasabi niyang siya ang mayor. Anong klaseng lider siya kung ganon?!” aniya.
BUWELTA NG DATING ALKALDE
Buwelta pa ni Cudilla, ang kampo nina Beronio ang kumukuha ng bigas dahil sila umano ang may hawak ng susi kaya hindi tamang sa kanila ibato ang mga akusasyon maging ang tungkol sa mga sinirang kagamitan.
Tinanong pa umano ni niya ang DSWD ukol sa isyu dahil sa kanila ang bodegang iyon at ang sagot umano sa kanya na ang mga nawawala ay ang mga natirang bigas sa ginawa nilang bayanihan noon na sila pa ang namigay.
“Napaka-imposible naman na makuha namin ‘yong susi. Nasa kanila (kampo ni Beronio) po ‘yong susi kaya dapat tanugin nila ang MDRRM kung paano nakukuha, hindi ho kami. Kabastusan na po ‘yong mga ginagawa nila,” ang may diin pang komento ni Cudilla.
“In fact, marami po silang binuksan na opisina. ‘Yung water system mismo, sinira nila ‘yong padlock, tapos pinaitan nila ng dalawa, tapos pina-stop nila ‘yong makina no’n kaya nawalan po ng water supply. Pangalawa, ‘yong opisina sa pantalan, sila rin ang nagtanggal ng padlock; sinira nila ‘yong padlock. Tapos ‘yong sa Accounting [Office], sinita ko rin po sila kasi sinira nila ‘yong padlock at pinalitan din. What I mean is, sila ang gumagawa ng kalokohan pagkatapos sa amin ibinibentang lahat.”
Kinuwestyon din ni Cudilla ang inaprubahang ordinansa ng Sangguniang Bayan na aniya’y hindi idinaan sa botohan ayon sa kanyang source at hindi rin naipadaan sa public hearing na mahalaga para sa isang hakbang na may kaparusahan.
Ayon pa sa kanya, freedom park ang munisipyo na kung saan, nasa gitna ang munomento ni Rizal at ang lahat ng monumento ay pwedeng pasyalan ng mga tao kaya bakit umano ipagbabawal ang pagtambay sa bahaging iyon. Ang nais lamang umano niya ay idaan ang lahat sa tamang proseso at hindi basta-basta inaaprubahan ang isang ordinansa na kung ganoon umano ay tila “niloloko lang nila ang taumbayan.”
Sa hiwalay namang panayam kay DILG Provincial Director na Virgillo Tagle, muli niyang iginiit na walang ilalabas na memorandum ang kanilang ahensiya sapagkat hindi nanggaling sa kanila ang kautusan ukol sa pagpapaupo kay Beronio.
“Matagal ko nang sinasabi ‘yan na walang aasahang order na galing sa DILG kasi court ang nag-serve…thru sheriff [ang pagbaba ng desisyon], so , hindi kami masyadong nakikialam….Hindi na naman concern ‘yon ‘yong talang pagpapaupo nang lubusan kay Mayor Beronio pero sa ngayon, ang nire-recognize namin, si Mayor Beronio siyempre kasi ‘yon ang sinasabi ng korte,” ani Tagle.
Aniya, simula nang iniaatas ng hukuman ang pag-upo ni Mayor Beronio ay sa kanya na ipinadadala ng kanilang tanggapan ang lahat ng komunikasyon at pakikipag-ugnayan.
Payo pa ng DILG sa kampo ni Cudilla na sundin na lamang ang kautusan ng korte habang kay mayor Beronio naman tupdin ng maayos ang kanyang tungkulin para sa mga mamamayan doon at mga kawani ng kanilang lokal na pamahalaan.
Discussion about this post