Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI)-Palawan na makaaalis lamang ng lungsod at bansa ang suspek na Pakistani kung natapos na niyang pagbayaran ang senstensiya sa mga kasong isinampa sa kanya.
Sa panayam ng local media sa kinatawan ng BI-Palawan na si Immigration Officer I Levy Malong, sinabi niyang bagamat may deportation order na para sa nahuling Pakistani na si Haroon “Alex” Bashir na lumabas kahapon ng umaga at pirmado ni Commissioner Jaime Morente, mapoproseso lamang ito kapag tapos na niyang kaharapin ang mga parusa sa ilang kasong kinakaharap sa ngayon, kung sakaling madidiin sa nasabing mga kaso.
“[Lumabag siya sa batas] dahil sa violation niya sa Immigration Law which is the over staying and the undocumented pero mase-serve ‘yong deportation niya…after niyang ma-serve ‘yong sentence…ng case na finayl sa kanya dito sa Puerto Princesa; bago pa mapa-process ang deportation proceedings,” ani Malong bilang katugunan sa mga katanungan ng media ukol sa dahilan ng deportation order para sa naturang suspek.
Sa datus ng ahensiya, si Bashir ay isa lamang sa kabuuang 341 immigrants na iba’t ibang nasyunalidad na naninirahan ngayon sa Lungsod ng Puerto Princesa at Lalawigan ng Palawan. Sa impormasyon pa ng mga kinuukulan, dumating siya sa bansa noong Abril 28, 2013 at makalipas ang isang buwan nang nakarating ng lungsod at dito na naninirahan hanggang sa madakip sa Brgy. San Jose noong Agosto 6.
Maliban sa mga immigrant, mayroon ding naitalang 1,496 mga turista bagamat hindi na tiyak ng Bureau of Immigration kung ilan na lamang ang natitira sa lalawigan sapagkat posible umanong may nakauwi na rin sa kanila.
Aminado naman ang ahensiya na hindi na nila ma–trace ang isang banyaga kapag nakalapag na ng bansa at pupunta ng ibang lugar sa pamamagitan ng mga domestic flights o iba pang kapamaraanan na nauna na rin nilang ipinaliwanag sa City Council. Sa ngayon, hiniling ng Konseho na magkaroon ng sariling data ang BI-Palawan ukol sa mga banyagang pumapasok rito na kung saan ay nangako ang ahensiya na kanila itong ipaaabot sa higher office.
“Once na [nag]-domestic travel na lang ang alien is hindi na natin namo-monitor ‘yan. Namo-monitor na lang natin if ever may magka-problema…at thru airline coordination,” paliwanag ni Malong.
Samantala, kinumprima rin ng opisyal na sa kanilang talaan ay kauna-unahang naganap sa Lungsod ng Puerto Princesa ang kamakailang bomb scare dulot ng mga nahuling improvised explosive devices mula sa nasabing Pakistani na sa kasalukuyan ay nakapiit sa pasilidad ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO).
Discussion about this post