Sa layuning palakasin ang kultura at sining ng mga taga-Palawan kasabay ng selebrasyon ng ika-121 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng kapitolyo, bukas ang pintuan ng lalawigan para sa mga mang-aawit na nais makiisa sa prestihiyosong Palawan Pop Idol 2023.
Ang pagsali sa patimpalak na ito ay bahagi ng selebrasyon ng Baragatan Festival, isa sa mga pinakaaabangang kaganapan sa lalawigan ngayong Hunyo.
Ang Palawan Pop Idol 2023 ay magbibigay-daan sa mga mahuhusay na mang-aawit upang ipamalas ang kanilang galing at talento sa entablado.
Ang kompetisyon ay binuksan sa lahat ng mga residente ng Palawan na may hilig sa pag-awit, may edad na 18 hanggang 25-anyos mula sa iba’t-ibang dako ng Palawan.
Ang mga nagnanais na sumali sa Palawan Pop Idol 2023 ay inaasahang maghahanda ng isang kanta na magpapakita ng kanilang husay at personalidad bilang isang mang-aawit sa audition na mangyayari ngayong araw ng Sabado, Mayo 20 sa Robinsons Place Palawan (10AM-5PM).
Ang 15 mga mang-aawit na mapipili ay maglalaban sa dalawang kategorya (Fast Beat Category/ Contest Piece Category) sa darating na Elimination Rounds kung saan pipili na lamang ng tatlong kalahok ang mga hurado ng patimpalak na siyang maglalaban sa darating na Grand Finals.
Pagkatapos ng elimination, tatlong mang-aawit ang mapipiling lalahok at susuriin ng isang hukom na binubuo ng mga eksperto sa musika at tagapagtaguyod ng sining mula sa lalawigan at lalahok sa Grand Finals ng patimpalak na siya namang gaganapin sa PGP Convention Center sa Hunyo 21, 6PM.
Ang tatanghaling kampeon sa Palawan Pop Idol 2023 ay tatanggap ng P40,000 premyo, habang P30,000 naman sa 2nd placer at P20,000 naman para sa 3rd placer. Samantala, pagkakalooban rin ng P5,000 consolation prize ang mga kalahok na hindi papalarin.
Ang mga nanalo rin ay bibigyan ng pagkakataong magtanghal sa mga pangunahing kaganapan ng Baragatan Festival, na tiyak na magdadagdag ng karangalan at saya sa pagdiriwang na ito.
Sa mga nais sumubok para sa audition ngayong araw, kinakailangang magdala ng birth certificate, proof of residency / certification mula sa barangay o munisipyo, minus one na naka-mp3 format para sa audition piece at dapat na nakasuot ng casual attire.
Discussion about this post