Naglabas ng press release noong Abril 28 ang pamunuan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) alinsunod sa desisyong inilabas ng Energy Regulatory Commission (ERC) base sa EEC NO. 2018-048 RC at ERC CASE NO. 2013-191 RC na magtataas sila ng singil sa kuryente.
“Alinsunod sa desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa ERC No. 2018-048 RC base na rin sa petisyon ng National Power Corporation (NAPOCOR) patungkol sa pagtaas ng Subsidized Approved Generation Rate (SAGR) para sa mga Distribution Utilities (DUs) at New Power Providers (NPPs) na kabilang sa Small Power Utilities Group (SPUG) katulad ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) at Power Providers nito, unang nagpatupad ng pagtaas sa singil sa SAGR ang PALECO noong 2022 na may halagang P0.7288 per kilowatt-hour (kWh), samantalang magtataas naman ito para sa taong 2023 ng P1.3116/kWh at P1.7496 per kWh para sa taong 2024,” ayon sa koperatiba.
Ang SAGR ay tumutukoy sa Subsidized Generation Rate na sinisingil ng mga DUs na nasa ilalim ng NPC-SPUG o tumutukoy sa mga island-provinces gaya ng lalawigan ng Palawan.
Ibig sabihin nito,ang totoong halaga ng kuryente o True Cost Generation Rate (TGCR) ay hindi sinisingil sa mga konsumidores, bagkus ang SAGR lamang ang sinisingil dahil sa mayroon tayong nakukuhang subsidiya sa pamamagitan ng sinisingil na Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) na binabayaran ng lahat ng mga gumagamit ng kuryente sa buong bansa.
Samantala, inilabas rin ng ERC ang kanilang desisyon sa ERC Case No. 2013-191 RC noong ika-4 ng Agosto taong 2022 sa petisyon ng NAPOCOR kaugnay sa, “Recovery from the Universal Charge of the Shortfall in the Missionary Electrification Subsidy for CY2012 and the Corresponding Adjustment of the Universal Charge for Missionary Electrification (UCME).” Base sa nasabing desisyon, pinaguutos ng ERC sa mga DU na kumolekta ng dagdag na P0.0239/kWh sa basic rate ng UCME na may halagang P0.1561/kWh.
Ang UCME o Universal Charge for Missionary Electrification ay sinisingil sa lahat ng end-user ng kuryente. Dito nanggagaling ang pondo para sa pagbabayad sa subsidiya ng mga missionary areas sa bansa gaya ng Palawan kaya naman tanging SAGR lamang ang binabayaran ng mga member-consumer-owner (MCO) ng PALECO.
Para sa mga kamay-ari ng kooperatiba na nagtataka sa biglaang pagtataas ng singil sa kuryente, ayon sa kumpirmasyon ng PALECO ay naging epektibo ang taas-singil sa kuryente noong nakaraang buwan.
Discussion about this post