Matagumpay na naipagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA ang proyektong solar dryer na may sariling bodega at perimeter fence para sa mga magsasaka mula sa bayan ng Rizal, Palawan.
Pormal na itong binuksan nitong Mayo 19 sa Barangay Campong Ulay, bayan ng Rizal at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit isang milyong piso.
Ang pagbuo ng proyektong ito ay naisakatuparan sa loob ng 35 araw ayon sa DSWD MIMAROPA.
“Sa wakas may malapit nang bibiladan, iimbakan at gigilingan ng palay,” banggit ng isang magsasaka ng nasabing barangay.
Dahil pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay sa Barangay Campong-Ulay, apektado ang mga magsasaka tuwing tag-ulan at maraming ani ang nasisira at nasasayang dahil sa kakulangan ng pasilidad.
Sa pamamagitan ng solar dryer ay hindi na mangangamba ang mga magsasaka sa kanilang tanim na palay.
Gamit ang proseso ng Community-Driven Development (CDD), nabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na tukuyin ang problema ng kanilang pamayanan at sila ay naging kasama sa pagpaplano, pagbuo, at pagsasagawa ng DSWD KALAHI-CIDSS.
Discussion about this post