Kasalukuyan umanong pinag-aaralan ng pamunuan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) ang iba’t ibang posibilidad upang mabawasan ang pagdagsa ng mga taong nagbabayad sa kanilang main office sa Brgy. Tiniguiban.
Ayon kay PALECO Executive Assistant Maria Lolita Decano sa isinagawang sesyon kahapon sa Sangguniang Panlungsod, kasama sa mga tinitingnan nila sa ngayon ay ang pakikipag-tie-up sa BDO para sa online payment ng mga bayarin ng isang consumer/owner ng Kooperatiba.
“Pag nag-materialize po ‘yon, pwedeng online payment na sa BDO. So, ‘yon po ang inaaral pa ng opisina namin kung papaano pa maiibsan ang dami ng mga customer na pumupunta ng office para ma-limit na ang face-to-face. Kapag naging maayos na po ‘yon, ila-launch namin ang proyektong ‘yon,” ani Decano na kumatawan kay PALECO project supervisor at Acting Manager, Engr. Nelson Lalas na kasalukuyang sumasailalim sa 14-day quarantine.
Maliban sa nakagawiang tradisyunal na paraan ng pagbabayad ng bill, pwede na ring magbayad ngayon sa PALECO sa pamamagitan ng drive thru transaction at GCash.
Pinuri naman ni Kgd. Roy Ventura ang pamunuan sa ipinatutupad na ngayong drive thru payment system sa pagbabayad ng bayarin sa elektrisidad na personal niyang nasubukan. Ikinasiya umano niya ang ganoong kapamaraanan dahil hindi na pipila ang tao kundi ang sasakyan na lamang na gaya ng nag-o-order sa isang fast food chain.
“Sinisikap naman po ng pamunuan ng Paleco na maserbisyuhan namin ang mga kliyente kaya po, isa sa mga ginawa po namin ay drive thru kaya nga lang nili-limit namin sa two bills muna ang pwedeng i-accommodate para hindi po mag-clog. So, in excess po ay doon na lang siya sa loob [ng main office] kasi hahaba lang ang pila kung marami,” dagdag pa ni Decano.
Hiniling naman ni Kgd. Ventura na madagdagan ang espasyo sa main office ng PALECO dahil nagkukulang na umano dahil sa dami ng mga pumupunta roon at upang maging magaan naman para sa mga senior citizen.
Discussion about this post