Naghahanda na ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa para sa nakatakdang International Canoe Federation (ICF) Dragon Boat World Championships 2024, na itinuturing din na unang pagkakataon na isasagawa sa Pilipinas.
Inaasahan ang pagdalo ng mga atleta mula sa 72 iba’t-ibang bansa sa buong mundo, at umaabot sa 3,500 katao ang inaasahang tutungo upang saksihan ang kompetisyon na ito.
Sa isinagawang orientation noong Setyembre 8, inilahad ni Coach Leonora Escollante, ang Pangulo ng Philippine Canoe-Kayak Dragon Boat Federation (PCKDF), ang mga mahahalagang tungkulin ng mga komite na pangungunahan ng lokal na pamahalaan.
Kasama dito ang mga hakbang na kinakailangang gawin para sa mga pasilidad, race course, transportasyon, accommodation, logistics, pagkain, usaping medikal, seguridad, at water safety. Tampok din ang mga tao na magiging nasa unang hanay ng kompetisyon.
Naniniwala si Mayor Lucilo Rodriguez Bayron na magiging matagumpay ang itong malalaking kaganapan sa kanilang lungsod sa darating na taon. Isa umano itong oportunidad upang mas kilalanin ang Puerto Princesa, hindi lamang bilang destinasyon para sa Sports Tourism kundi pati na rin sa mga Water-based Sports.
“Malaki ang hamon na ito para sa atin, ngunit kapag tayo ay nakapag-umpisa at nagtagumpay, magiging mas madali para sa atin na magsagawa ng iba pang malalaking pagtitipon. Ito ay magbibigay-daan din para mapalakas ang industriya ng turismo, sapagkat bukod sa kagandahan at yaman ng aming lungsod, mayroon pa kaming iba pang maipagmamalaki,” ayon kay Mayor Bayron.
Kasalukuyang tinitingnan ang mga kinakailangang hakbang at umaasa na maging maayos ang kanilang paghahanda. Ayon sa pulong, posible na ganapin ang ICF Dragon Boat World Championships mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 4.
Samantala, sa Nobyembre 17 hanggang 19 ng kasalukuyang taon, magaganap din ang International Dragon Boat Festival sa Puerto Princesa Baywalk, kung saan magpapakita ng kanilang husay ang mga atletang mula sa 17 iba’t ibang bansa bilang bahagi ng paghahanda para sa Dragon Boat World Championships 2024.
Discussion about this post