Inilunsad ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) ang planong “Palawan Forest and Landscale Restoration Plan (FLRP) 2025-2029” nito lang Hunyo 19, na naglalayong mapanumbalik ang mahigit 257,297 na hektaryang lupain sa lalawigan ng Palawan.
Ito’y kasabay ng ika-33 taong anibersaryo ng R.A 7611 o ang Strategic Environmental Plan for Palawan. Matatandaan na nito lang Hunyo 18, ay nagsagawa rin ng film screening ng dokumentaryong “Fragile Frontier” ang nasabing ahensya patungkol naman sa epekto ng pagbabagong klima sa lalawigan, kabilang dito ang pagtama ng bagyong Odette noong taong 2021.
Ilan sa mga munisipyong prayoridad ay ang bayan ng Narra (16, 249 hektarya), Coron (11, 068 hektarya), Aborlan (9,274 hektarya), Sofronio Española (4,616 hektarya), at ang lungsod ng Puerto Princesa (35,829 hektarya). Nakatuon ang restoration plan sa watershed protection, Biodiversity corridors, disaster risk reduction, at livelihood and food security.
Ilan sa mga stratehiyang gagawin sa nasabing plano ay ang Natural-based solutions o ang pag-assist sa natural recovery ng kalikasan kagaya na lamang nang pagtatanim sa mga kagubatan.
Sa 23 na munisipyo sa lalawigan ay 9 dito ang nakapag-adopt na sa Forest and Landscape Restoration Plan sa pamamagitan ng ordinansa o kaya’y SB Resolutions.
Samantala, pinarangalan naman ang bayan ng Narra bilang “Best ECAN Board” para sa taong 2024 na personal na tinanggap ni Municipal Mayor Gerandy Danao kasama ang cheke na P20,000 bilang premyo. Ang Environmentally Critical Areas Network o ECAN ay ang mga altuntunin o gabay sa anumang proyekto na pinapayagan at hindi pinapayagan sa bawat lugar sa lalawigan ng Palawan.
Kaugnay nito, inilunsad din ang Ezones Mobile App o ang E(Environmentally Critical Areas Network) Zones ng PCSD katuwang ang Australian Government sa pag-develop na nakatuon naman sa pag-manage ng mga coastal areas sa Palawan. Bagama’t hindi pa available online ay target umano itong maisapubliko ng ahensya sa mga susunod na buwan.
Ang FLRP plan ay binuo katuwang ang USAID-SIBOL, RTI International, Provincial Government of Palawan, at PG-ENRO.