Dumagsa ang locally stranded individuals sa City Health Office ngayong araw para kumuha ng kanilang health clearance na isa sa mga requirements bago payagang makauwi sa kanilang mga munisipyo.
Sa dami ng mga tao, makikitang hindi na nasusunod ang social distancing na isa sa palagiang ipinapa-alala ng mga awtoridad na sundin bilang bahagi ng pag-iwas sa posibleng pagkalat ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Sa panayam ng Palawan Daily News kay City Health Officer, Dr. Ric Panganiban, sinabi nitong kahit gustuhin man nilang ipatupad ang social distancing ay hirap naring pigilan ang mga tao sa kanilang pagdagsa sa labas pa lamang para makapagpalista.
“Yun na nga po talaga ang problema natin na maraming kumukuha kaya ‘yung sa inaano n’yong social distancing, e kung minsan, kami gusto namin kaya lang siyempre pag nagdagsaan na ‘yung mga tao doon, diba e anong gagawin mo?” ani Dr. Panganiban sa panayam ng Palawan Daily.
Sinabi rin ni Panganiban na isang daang indibidwal lamang ang kanilang mabibigyan ng health certificate kada araw, limampu sa umaga at limampu sa hapon.
Samantala, pinapayuhan parin ni Panganiban ang lahat ng mga kukuha ng health clearance sa City Health Office na magpaaga at iwasan ang pagdidikitan sa bawat isa bilang bahagi ng pagsunod sa social distancing.
Discussion about this post