Nanindigan ang Minority Floor Leader ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa na dapat magamit ang P29 milyong pondo para lamang sa mga intended beneficiary nito — ang mga displaced tourism worker ng Puerto Princesa.
Sa Privilege Hour sa virtual session ng konseho, May 17, kinuwestyon ni Kgd. Jimbo Maristela kung bakit nagamit ang naturang pondo sa ibang layunin gayung inaprubahan iyon ng konseho upang makatulong sa mga manggagawang nasa sektor ng turismo na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Aniya, napag-alaman umano niya nang kanyang makaugnayan si Acting City Tourism Officer Toto Alvior na hindi naman lahat ng mga apektadong manggagawa sa sektor ng turismo ay naipasok sa COVID Sheriff Program.
“At ayon sa kanya, mas makukulit pa na mapasok ‘yong galing sa barangay bukod doon sa displaced tourism workers natin. Actually, ang sabi niya sa akin, mga more than 100 pa lang ang naipapasok kaya sabi ko, ‘Kinakailangang maagapan natin ‘to; otherwise, masasayang lang ‘yong pondo na inilaan sa mga displaced tourism workers na nilaanan natin ng P29 milyon na imbes sa kanila lahat ‘yon mapupunta,” ani Maristela.
Aniya, kulang pa ang nasabing halaga sa mga displaced worker kaya paano pa umano kung mapunta pa ito sa mga hindi naman intended recipients.
“Gusto ko pong agapan ito, hangga’t hindi pa po ubos ang pondo. Mapunta naman po sana sa dapat mapuntahan ‘yong pondo. Hindi naman po tama na inaprubahan natin dito sa Sangguniang Panlungsod ‘yong P29 milyon para sa mga nawalan ng trabaho sa sektor ng turismo ay mapupunta ‘yong bahaging ito doon sa mga hindi naapektuhan [ng pandemya],” giit ng Konsehal.
Bunsod nito ay imungkahi niyang ipatawag sina Acting City Tourism Officer Toto Alvior, City Budget Officer Regina Cantillo, at sina IMT Commander Dean Palanca at LIATF Spokesperson Norman Yap ukol sa proseso kung paano matatanggap sa COVID Sheriff Program.
Discussion about this post