Nagbabala ang pamunuan ng Puerto Princesa City Water District sa mga taong nasa likod ng serye ng pagnanakaw ng mga metro ng tubig sa lungsod kung saan mahigit 30 piraso na sa iba’t-ibang barangay sa lungsod ang naiulat na nawawala.
Ayon kay PPCWD Spokesperson Jen Rausa, nagsimula pa ito noong Marso 30 kung saan nakakatanggap sila ng ulat na ninanakawan ng metro ang ilang mga consumers nito sa lungsod. Ito din umano ang unang beses na nakatanggap sila ng sumbong mula sa mga consumers nito dahil kalimitan ay nasisira lang ang metro at hindi ninanakaw.
“Nag-start po ito nung March 30 last week then yung report na hawak ko hanggang ngayon araw tapos may additional pa po ito,” saad ni Rausa.
“Maraming mga barangay yun… pero base dito sa report na hawak ko ang meron po [Brgy.] San Miguel, Bancao-Bancao, San Pedro, Mandaragat at tiyaka sa Tanglaw,” dagdag pa nito.
Paliwanag pa ni Rausa, kapag nakakatanggap umano sila ng sumbong patungkol dito ay agaran naman nila itong sinusuri at pinapalitan kung mapapatunayan na ninakaw ito.
“Itse-check agad namin sa system kapag may natanggap kaming complain tapos po i-verify po namin kasi baka water district din naman yung nag pull out ng metro… so kung water district ibig-sabihin dahil yun sa illegal connection… pero kung galing sa nakaw pinapalitan naman po namin kaagad,” pahayag pa nito.
“Meron naman kaming mga personnels and staffs na nag-iikot din sa mga areas na ito and other areas sa lungsod na possible na puwedeng puntahan ng mga kumukuha ng metro,” saad ni Rausa.
Nagbabala naman ang pamunuan ng PPCWD sa sino man umano ang nasa likod ng nasabing pagnanakaw ay may nakaambang umano itong parusa maging ang mga junkshop na mahuhuli na bumibili ng nakaw na metro ng tubig.
“Kung mahuli man o kung sino man itong nagnanakaw ng metro natin tatandaan po natin government property ito and kapag napatunayan na sila po ang nangunguha o nagnanakaw ng mga metro natin we will actively pursue them in court… kakasuhan po natin ng theft siyempre penalty talaga nito pagkakakulong,” ani Rausa.
Ang mga mahuhuling junkshop o mapagbebentahan ng mga nakaw na metro ay hindi din makakaligtas sa parusa at multa ayon kay Rausa.
Samantala, nagpaalala naman ang pamunuan ng PPCWD sa mga consumers nito na ugaliing bantayan ang mga metro at agarang isumbong sa kanilang tanggapan kapag sila ay nawawalan ng metro.
“If ever man na may ganitong concern or suspicious na ganitong activities sa area nila ipag-bigay alam lang po agad saamin sa office para po mapuntahan at mabantayan din yung kanilang mga metro,” pahayag ni Rausa.
Discussion about this post