Humarap na ang kompanyang GSMAXX Construction kahapon Pebrero 18, 2021, sa isinagawang pagpupulong ng Committee of the Whole ng Sanggunian Panlungsod matapos na makailang beses na hindi ito sumipot. Dito ay naglabas ng saloobin si Sammy James Sioson, President ng kumpanya, kaugnay ng mga isyu na ibinabato sa kanila.
Sinagot ni Sioson ang pagduda sa kanilang kakayanan na maisakatuparan ng mga proyekto na kanilang napanalunan.
“Kung ano po ang kakayanan, siguro po nakikita naman po natin sa ating mga lansangan, kalsada o mga barangay na nag o-operate po kami 24 hours. Bakit po? Kasi po alam ko po na ang mga project ng City Government ay pera ng taong bayan.” Ayon kay Sammy James Sioson, Presidente ng GSMAXX Construction.
Dagdag pa ni Sioson, na wala naman umano itong ibang hangad kundi magarantiya at mapasaya ang mga mamamayan ng Puerto Princesa.
“Mas gusto ko po matuwa ang ating mga kababayan at kayo mga nandito po ngayon, kasi hindi po ako taga dito. Yung ilang mga accomplishment namin na 2023 pa dapat po matatapos tinapos namin within seven (7) months. Hindi po ba ito isang patunay na may kakayahan talaga kami?”
Nilinaw naman ni Sioson, ang patungkol sa pagkolekta ng kaukulang bayad para sa mga proyekto na kanilang napanalunan sa City Governement.
“Ngayon po kaya masakit sa mata, masakit sa tenga, kasi bilyon po ang inyong nakikita pero yung ginagawa po namin hindi nakikita. Pero ang tanong, nakakakolekta ba kami? Hindi po. Huminto ba kami? Hindi po. Patunay lang po na may kakayahan ang kumpanya. Ngayon po kung ititigil ko po ba ang proyekto sino ba ang magsasakripisyo? Kayo po ba? Mga tauhan ko po, 1,200 workers. Kahit i-check niyo pa po ang record bihira lang po ako kumolekta eh kasi po alam ko po ang kakayahan ng kompanya.”
Discussion about this post