Pormal nang itinalagang bagong provincial legal officer ng lalawigan ng Palawan si Atty. Jethro Palayon na dati na ring empleyado ng Provincial Legal Office (PLO).
Sa regular na sesyon ng Provincial Board, kahapon, Abril 7, ay kinumpirma ng mga miyembro ang appointment ni Palayon bilang kapalit ni dating Provncial Legal Officer Teodoro Jose Matta na simula noong unang araw ng Abril ay ganap ng Executive Director ng PCSD Staff, ang implementing arm ng Palawan Council for Sustainable Development. Katuwang ng Sanggunian sa confirmation si Provincial Human Resource Management Officer Lucy Paredes.
Si Palayon ay produkto ng Palawan State University (PSU) College of Law, bagamat nakapag-aral din siya ng isang taon sa University of the Philippines, na naging ganap na abogado nang makapasa sa November 2010 Bar examinations at inilabas noong 2011. Mula sa kabuuang 19 na kumuha ng eksaminasyon ng taong iyon mula sa PSU, kabilang si Palayon sa apat na mga pinalad na makapasa sa itinuturing na isa sa pinakamahirap na mga eksaminasyon sa bansa.
Habang siya naman ay nag-aaral pa noon sa nag-iisang Law School sa lungsod at lalawigan ay nagawa rin niyang magturo sa ilang colleges ng PSU.
Sa post kahapon ng Tanggapan ng Panlalawigang Impormasyon (PIO) sa Palawan, ibinahagi ni Palayon ang kanyang background. Aniya, matapos na makapasa noong 2011 ay nagturo siya bilang propesor sa PSU Law School hanggang sa kasalukuyan at makalipas ang tatlong taon ay naitalaga siya bilang Attorney IV ng Provincial Legal Office bagamat kalaunan ay napagpasyahan umano niyang mag-private practice muna na tumagal sa loob din ng ilang taon.
Ngunit ngayon umano, naging motibasyon niyang pasukin muli ang paglilingkod sa pamahalaan sapagkat naniniwala umano siya sa adhikain at mga ginagawa sa kasalukuyan ng Provincial Government. Nais umano niyang makatulong “sa lalong pagpapaunlad ng lalawigan ng Palawan.”
Discussion about this post