May mga transaksyon umano sa Palawan State University Main Campus at sa Justice Hall sa Puerto Princesa na hindi puwedeng ihinto kahit na isinailalim sila sa Critical Zone o ‘localized lockdown’ dahil sa mataas na kaso ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa ilan nilang tanggapan.
“Yung justice Hall at yung PSU Tiniguiban campus, yung dalawang compound na yan ay critical zone. ‘Pag sinabing critical zone ang equivalent niyan ay lockdown, walang transaksyon [at] walang operation so yun ang nangyari sa Justice Hall pati sa Palawan State University compound. But, dapat din nating maintindihan ang mga opisinang yan ay medyo importante din yung kanilang mga trabaho so pinapayagan yung mga emergency, yung mga necessities na dapat gawin, otherwise maju-jeopardize naman yung publiko,” pahayag ni Atty. Arnel Pedrosa, Puerto Princesa City Administrator.
Nilinaw din ni Atty. Pedrosa na mahalaga ang ginagampanan ng nabanggit na mga opisina lalo na ang tanggapan ng Justice Hall kaya kailangan ituloy ang ilan nilang operasyon.
“Sa PSU yung pagpro-process ng mga payroll [ng] mga empleyado nila, kapag hindi mo pinasuweldo yan eh maju-jeopardize yung kanilang operation. Yung Justice hall ay puwede silang mag-asikaso noong mga magpa-piyansa, yung magre-relieve ng bilanggo, magsasampa ng kaso sa Fiscals Office yung mga ganun. Kasi kung hindi mo papayagan yun ay marami tayong mava-violate, mga essential fuctions yun na hindi mo puwedeng i-stop talaga absolutely.”
Wag rin aniya magtaka ang mga mamamayan kung may makikitang mga empleyado sa lugar. May ilan kasi na pumapasok pa rin, habang ang ilan ay nasa home quarantine.
“Kaya kung may makikita sila doon na empleyado na kaunti lang naman baka hindi pa lumampas sa 5 ay dahil kailangan talagang na nandoon sila para gawin yun,”
Ito rin ang paliwanag sa Palawan Daily News team ng isang kawani ng Hall of Justice, na hindi sila ‘totally lockdown’ subalit mahigpit na ipinapatupad ang limitadong bilang na papasok at yung kinakailangan lamang na nasa loob ng kanilang tanggapan.
“Ongoing parin po, bali yung sa inquest ongoing parin makakapasok parin yung mga PNP at saka yung sa mga magpa-piyansa, makapagpiyansa pa rin sila. Yung papayagan lang pumasok yung kasama sa transaksyon, yung hindi naman kailangan [sa loob] dito lang sila waiting lang sa labas kung halimbawa mga kasama lang sila na hindi naman sila involved sa kaso. Pinapayagan namin 1 hanggang 3 yung papasok sa loob, hindi naman siya totally lockdown na walang transaction, mayroon naman.” Pahayag ni Raffy Francisco, Security Guard sa Hall of Justice.
Discussion about this post