Isang taga-Purok Kapatagan, Barangay San Manuel na kasama sa mga nagbibigay ng goods sa Community Pantry ang nagpositibo sa Antigen Test.
“May isang taga-barangay po ng San Manuel na na-test po namin at siya ay nagpositibo sa Antigen Test. So isa siyang COVID suspect ng Brgy. San Manuel. Siya po ay nakasama sa pamamahagi po ng goods o yung tinatawag nating mga ayuda noong April 24 mga 3:00 to 4:00 dito po yung sa Brgy. San Manuel Purok Kapatagan.” Ayon kay Dr. Dean Palanca, Puerto Princesa Incident Management Team (IMT) Commander, sa naging live update ng City Information Office bandang alas 7:30 ngayong gabi, Abril 28, 2021.
Dagdag pa nito, makalipas pa ng ilang araw bago ito naisailalim sa Antigen Testing dahil nagkaroon ito ng sintomas ng COVID-19.
“So, nandoon po siya na hindi niya alam na siya ay magpopositibo sa Antigen Test. Na-test po natin siya mga after ilang araw kasi nagkaroon siya ng sintomas. Nagpositibo po siya sa Antigen Test kaya kami ay nagbibigay ng impormasyon doon sa mga taong nag-attend sa activity na yun…”
Nananawagan din si Dr Palanca na magpakonsulta sa doktor ang mga nakasalamuha nito lalo na’t kung may nararamdamang mga sintomas ng virus.
“Kung yung mga taong yun na nag-attend o nagpunta doon at nagkaroon ng sintomas tulad ng konting sipon, dirediretsong sipon niya, ubo, o kung hindi, siya ay nagkaroon ng lagnat o yung tinatawag natin minsan dito trangkaso o nag-tae-tae, ay sumakatuwid ina-advice po namin na magpakonsulta po kaagad sa inyong doktor o sa mga hospitals po natin. Puwede rin silang tumawag sa ating COVID Hotline kasi po para sila ay ma-screen, ma-test natin [dahil] baka po sila ay nahawaan po.“
Pinaaalalahanan naman niya muli ang mga mamamayan ng lungsod na palaging mag-ingat at siguraduhin na sumunod sa ipinatutupad na minimum public health standards.
“Sinasabi natin na parati tayong mag-ingat at yung pinatutupad natin na minimum public health standard [ay] talagang kailangan nang seryosohin. At gawin po talaga ang nararapat na mayroong facemask, kung nasa labas kayo kung puwede mag-double face mask ‘Wag na ‘wag po kayong lalabas at makikipag-usap sa ibang tao na walang dala-dalang face mask at maganda may kasamang face shield kasi baka malusutan ka at ikaw ay magkaroon ng sakit na COVID…”
Samantala, nasa 639 na ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 na naitala sa Lungsod ng Puerto Princesa. 280 rito ay aktibong kaso, 349 recoveries at 10 ang binawian ng buhay.
Discussion about this post