Naihabol na tanggalin sa sidewalk ang barangay hall ng Barangay Magkakaibigan, Puerto Princesa City ngayong araw (September 30) ng pagtatapos ng 60 araw na kautusan ng Department of Interior and Local Government o DILG sa mga lokal na pamahalaan na linisin ang mga kalsada sa mga nakaharang dito.
Ayon kay City Anti-Squatting Head Alex Hermoso, sumulat sa City Government si Punong Barangay Mary Ann Co para magpatulong na sirain na ang kanilang Barangay Hall kaya nang makakuha na siya ng kautusan mula kay City Administrator Arnel Pedrosa ay agad na nilang isinagawa ito mag-aala-1:30 PM ngayong araw September 30,2019.
Samantala, sa nakuhang impormasyon ng Palawan Daily News sa pamunuan ng barangay, ang mga gamit ng barangay ay pansamantalang inilagak sa bahay ng Barangay Secretary at kapag may kukuha ng Barangay Clearance ay tatawagan na lang ang pipirmang Brgy Kagawad o Kapitan.
Posible rin daw na sa isang pension house sa lugar isasagawa ang sesyon ng Brgy Council.
Sa nakuhang sulat naman ng PDN na pirmado ni Kapitan Co, hinihiling nito kay City Mayor Lucilo Bayron na matulungan para magfollow-up sa Department of Information and Communication Technology o DICT na mapayagang makapagtayo ng gusali sa bakanteng lote sa harap ng Philippine Postal Office na gagamiting Barangay Hall.
Matatandaang ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang mga local government officials na hindi tatanggalin ang mga nakaharang o obstruction sa kalsada at sa sidewalk.
Discussion about this post