Sisimulan nang pag-usapan ng Committee on Appropriations sa araw ng Martes sa susunod na linggo ang Annual General Fund Budget ng Lungsod ng Puerto Princesa.
Ito ang kinumpirma ni Kgd. Victor Oliveros, chairman ng Appropriations Committee sa panayam sa kanya ng local media.
Aabot sa P3,723,641,460.70 ang panukalang pondo ng siyudad para sa susunod na taon na mas mababa kumpara sa P3.786 bilyong pondo ng siyudad sa taong kasalukuyan.
Sa ngayon ay hindi pa maidetalye ni Konsehal Oliveros ang kabuuang nilalaman ng 2021 Expenditure Program ng Puerto Princesa dahil hindi pa umano naibigay sa kanila ang kabuuang mga impormasyon at detalye at sa araw pa ng Biyernes makokompleto.
“Ang alam ko lang, sa ngayon ay nakapokus ‘yong ating budget doon sa fight [natin] against COVID-19 na pinalakas ‘yong ating agriculture preparations for whatever eventuality sa COVID [pandemic]…aside from the fact na naglaan talaga tayo ng fund for vaccine,” aniya.
Pagdating sa food security, kadalasan umanong nakapalood dito ay mga farm-to-market road, at pagbubukas ng mga daan. May inaaayos din umano ang Pamahalaang Panlungsod na tripartite program bagamat tumanggi pa siyang magbigay ng mga karadagang impormasyon.
“Mag-i-establish [din] tayo ng force multiplier farm para magkakaroon ng chance and opportunity ang ating mga mamamayan na makakuha ng livestock, or root crops,” pagtitiyak pa ng Konsehal.
“Hindi kasi natin alam kung ano talaga ang mangyayari sa COVID-19. Ang sabi nila ‘Vaccine is just around the corner’ [but] we don’t know if that corner is in Manila or somewhere else in Japan. Hindi pa rin natin alam kung darating kaagad sa atin agad ang vaccine, kasi nagkakaroon din ng kompetisyon sa pagkuha ng vaccine, so, we have to prepare,” dagdag pa niya.
Ayon sa konsehal, kailangang palakasin ang agrikultura upang kapag mag-normalize na ay hindi naman ganoon kahuli ang Lungsod ng Puerto Princesa.
Kahapon, araw ng Lunes, kasabay ng pagtanggap ng liham mula sa Alkalde ukol sa pondo para sa 2021 ay nakasalang din sa Konseho ng araw na iyon ang liham naman mula kay City Administrator Arnel Pedrosa ukol sa City Development Investment Program (CDIP) ng siyudad para sa mga taong 2020-2025, kasama ang Climate Change Action Plan para sa 2021-2023 at 2021 Local Culture and Arts Plan na inaprubahan ng City Development Committee kamakailan.
Posible naman umanong matatapos ang Budget Hearing sa Huwebes sa susunod na linggo at maiuulat na ang 2021 Budget sa plenaryo sa kasunod na Lunes o unang linggo ng Nobyembre.
APEKTADO ANG LOCAL REVENUE
“We were informed by the City Budget Officer na baka bumagsak ng P200 million [ang local revenue]. So malaki talaga [ang ibinaba ng kita ng siyudad sa buwis]. Just imagine, sarado lahat [ng mga negosyo noong nakalipas na mga buwan dahil sa COVID-19]—walang pagkilos. So, mahirap na singilin ng taxes ang mga business na wala naman silang kita,” ani Oliveros.
Kaya tinitingnan na lamang umano nilang mapunan ito ng Internal Revenue Allotment (IRA) bagamat nangangamba siyang baka maapektuhan ang IRA ng siyudad sa susunod na taon dahil sa nararanasan ngayong pandemya.
Gaya ng kanyang nabanggit, sa ngayon ay mayroon na ring nakalaang P100 million ang City Government para sa pagbili ng vaccine kapag available sa pamamagitan ng ipinasang Supplemental Budget mula sa ng savings ng siyudad na galing sa mga programang hindi na naipatupad dahil sa COVID-19 pandemic.
Kung sakali naman umanong dumating na ang vaccine at makabibili ang siyudad ay uunahin ang mga vulnerable at indigent individual, kasama ang mga indigenous people. Ngunit nilinaw naman ni Kgd. Oliveros na pinag-uusapan pa rin hanggang sa ngayon kung ito ba ay magiging mandatory o hindi dahil na rin sa magkakaiba ang pananaw ng lahat pagdating sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Samantala, tiniyak ng Konsehal na walang dapat na ipanamba ang mga mamamayan pagdating sa pananalapi ng siyudad dahil may sapat namang mapagkukunan ng pondo sa kasalukuyan at maayos din umano itong nagagasta.
Discussion about this post